PUMARAAN ang ilang Kapuso artists para magbigay ng ayuda nitong nakaraang mga araw sa mga biktima ng bagyong Ulysses.
Namigay ng relief goods ang The Clash judge na si Ai Ai de las Alas bago sumabak sa lock in taping ng bagong series niyang Owe My Love.
Sa Marikina ang destinasyon ng Comedy Queen katuwang ang kanyang choreographer na si Ron Sto. Domingo. Ipinagamit ng kapatid ni Ron ang bahay nila para lagayan ng relief goods. “Hindi natutulog ang Panginoon!” bahagi ng caption ni Ai Ai sa Instagram.
Lahat naman ng kinita ng business niyang As Nature Intended noong November 14 at 15 ang donasyon ni David Licauco sa relief efforts.
Nag-livestream naman si Alden Richards nitong Linggo ng gabi para makalikom ng pera para sa mga biktima ng bagyo.
Mahigit P200,000.00 ang naipon ng Asia’s Multimedia Star sa nag-donate ng “stars” na naging laro niya ng Mobile Legends. Lahat ng natanggap niyang stars ay may katumbas na halaga para i-donate niya.
Sa Dela Costa 5, Rodriguez, Rizal naman tumulong ang Navy Reservist at Kapuso actor na si Rocco Nacino.
Halos 2,000 katao ang nabigyan ng relief packs at iba pang essentials. Katuwang niya sa operations ang team S.T.A.R.S ng Philippine Navy at Philippine Marine Corps.
Sa mga gusto namang tumulong, puwede ninyo itong ipaabot sa GMA Kapuso Foundation.
I-FLEX
ni Jun Nardo