ISANG malaking aral ang naranasan ng buong bansa nitong nakaraang pananalasa ng bagyong Ulysses.
Hanggang ngayon, iniinda pa ng marami nating kababayan sa Marikina City at Rodriguez, Rizal ang baha at ganoon din sa Cagayan Valley, Isabela, Tuguegarao at ilan pang malalapit na lugar ang pananalasa ng baha matapos magpakawala ng tubig ang mga dam.
Kasunod nito, ang panawagan ng maraming local government units (LGUs) na sila ay tulungan dahil said na umano ang kanilang pondo lalo ang calamity fund dahil sa pandemya.
Halos wala na rin dumarating na foreign aid dahil global ang pandemyang nararanasan ngayon,
Sa ganitong sitwasyon panahon na siguro para mabago naman ang pananaw ng LGU officials lalo na ‘yung mga mayor, congressmen, governors at iba pang local officials na hindi naman hilahod ang buhay.
Baka naman panahon na para bumunot kayo sa mga sarili ninyong bulsa para tulungan ang inyong mga kababayan?!
Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano, palagay naman natin ‘e hindi kawalan sa iyo kung dumukot ka ngayon mula sa sariling bulsa para sagipin ang iyong mga kababayan.
‘Yung mga mining o logging company na nakinabang nang husto sa ating likas na yaman panahon na siguro para ibalik sa mga kababayan nating nasalanta ng baha ang mga kinita ninyo.
It’s payback time na po, mga ‘rapists’ ng kapaligiran.
Maraming humihing ng tulong ngayon, panahon na para ipakita naman ninyo na kayo’y may konsensiya.
Share your loots ‘este wealth!