SAAN mang dako ng mundo, laging may umaangat na Pinoy kahit sangkaterba ang kakompetisyon. Ito ang nangyari sa isang Pinay skin expert na ngayon ay kilalang-kilala sa US.
Ang tinutukoy namin ay ang California-based skin expert na si Olivia Quido-Co, o mas kilala bilang si Ms O at CEO at founder ng O Skin Med Spa. Isa siyang top-rated esthetician, entrepreneur, women’s advocate at Christian philanthropist.
Sa masayang pakikipag-tsikahan namin sa kanya via zoom, naikuwento niyang napili ang kanyang kompanya last year bilang official skin care ng Miss Universe na ginanap sa Atlanta, Georgia. Sila rin ang official skin care provider ng Miss Universe USA 2020 at Miss Teen USA 2020.
Ang bongga ‘di ba? Hindi naman nakapagtataka dahil sa 17 taon na niya sa pag-aalaga ng kutis, marami na talaga ang nagtiwala sa kanya. Kaya naman hindi na rin nakapagtataka kung kunin siyang judge sa Miss Universe Chile na magaganap sa November 20. Siyempre magiging hurado siya sa evening gown showcase at no make-up skin preliminary competition.
Pahayag ni Ms O, ”I am honored and humbled to judge Miss Universe Chile 2020 alongside Miss Universe Gabriela Isler and other personalities.
“Hindi ko talaga ine-expect dahil I only prayed that our beauty products be known globally.”
May mapapanalunang special prize rin ang mga kasali sa pageant, ito ay ang “Miss O” award for best skin.
“I want to see natural beauty. Kasi ngayon madali nang magpa-enhance, although I don’t have anything against it. It’s everyone’s prerogative. But for me, mas maganda nakikita yung gandang original,” sambit ni Ms. O.
Natanong si Ms O kung sino-sinong celebrity ang nagtutungo sa kanya kapag napupunta abroad. Aniya, ang mga local star na sumusuporta sa kanya ay sina Angel Locsin, Ruffa Gutierrez, KC Concepcion, Claudine Barretto, Venus Raj, Shamcey Supsup, Pia Wurtzbach at iba pang Pinay beauty queens.
Sa mga Hollywood star naman ay nariyan sina music icon Patty Austin, Danah Cleaton, at Shanty Lowry.
Napag-alaman naming taong 2003 nagsimulang magnegosyo si Ms O sa Cerritos na ang initial investment lamang ay $1,500. ”Parang dumaan ako sa butas ng karayom dito sa America kasi the FDA (Food and Drug Administration) has very stringent standards before my skin formulation was approved,” pagtatapat ng beauty expert.
“Ang gusto ko rin kasi ayaw kong gumawa ng adobo at sinigang na masarap o ok lang. Dapat talagang masarap!” aniya.
Taong 2011 naman inilunsad niya ang sariling skin care line na agad bumenta nag-click lalo na ang kanyang 24-karat-gold infused products under The Secret Collection. Ito ‘yung mga produkto na napakabilis ng effect sa mukha ng mga gagamit. Ito ‘yung paggising mo sa umaga, gandang-ganda ka na sa sarili mo, aniya.
Mas naging mabenta pa ang kanyang products and services nang maaprubahan ng FDA ang kanyang skin formulation for doctors’ use. At dito na siya nakilala hanggang sa naimbitahan na sa red carpet ng 46th Emmy Award Academy para sa Emmy Lounge Gifting Suite for stars, producers, media outlets and influencers.
Tinanong si Ms. O kung kanino siya gandang-gandang artista. At agad naman niyang isinagot na sina Pia Wurtzbach at Catriona Gray na aniya, kahit walang make-up ay lutang na lutang ang natural beauty. ”Nakaka-in love talaga ang mukha nila,” sambit pa niya.
Sa mga female youngstar naman, kina Julia Barretto, Heart Evangelista at Kathryn Bernardo niya gustong i-share ang kanyang skin care program.
Sa tagumpay na tinatamasa ngayon ni Ms. O, isa lang ang siktero niya, ito ay ang pananampalataya sa Diyos. Patuloy din niyang ibinibigay sa Simbahan ang bahagi ng kanyang kinikita bilang panata sa ibinigay na tagumpay sa kanya ng Panginoon.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio