Magsisimula itong mapanood sa November 28 at tuwing Saturday, 8pm. Katambal dito ni Ynna si Geoff Eigenmann.
Saad ni Ynna, “Malaking challenge po ito sa akin, lalo na at sa ilang taon ko na sa showbiz ay ngayon lang ako nabigyan ng isang lead role.
“Noong una, hindi talaga ako makapaniwala. Unti-unti kong na-realize na lead star na ako habang naka-lock in na kami. It was really my dream. Pinagdasal ko po talaga siya, ganoon din ang mom ko.”
Sa engrandeng presscon nito last Nov. 10 na ginanap sa INC Museum na katabi ng EBC Studios, pinuri ni Ynna ang kanyang leading man na si Geoff.
“Sobrang masaya po ako rito, napakagaang katrabaho ni Geoff. As in, hindi ako nahirapan. Hindi naman kasi kami close ni Geoff. So paano iyong pagwo-work namin sa isa’t-isa?
“Pero ang sarap lang ng feeling na alam ninyo ‘yung wala po kaming wall? Kumbaga, kinilala namin ang isa’t-isa. And naging madali na sa amin ang magtrabaho, kasi naging komportable po ako sa kanya, and at the same time, naging komportable siya sa akin,” esplika niya.
Dagdag pa ng anak ni Nadia Montenegro, “Kaya siguro nagawa rin namin nang maayos iyong trabaho namin, kasi sobrang professional po ‘yung partner ko. Kaya po nang natapos na ang aming taping-kasi lock in taping po kami, talagang na-miss naming lahat ang isa’t isa.”
Ang istorya ng Ang Daigdig Ko’y Ikaw ay iikot kina Reina (Ynna) at Romer (Geoff). Si Romer ay isang seaman na bumalik sa Pilipinas para magbakasyon at pansamantalang magtatrabaho bilang bellboy sa isang hotel. Si Reina naman ang anak ng may ari ng hotel kung saan nagtatrabaho si Romer.
Kahit may naging hadlang sa kanilang pagmamahalan, sina Romer at Reina ay nag-reunite upang palayain ang kanilang mga sarili sa nakalipas at ipaglaban ang kanilang pagmamahalan.
Ito’y sa pamamahala ni Direk Eduardo Roy, Jr., isinulat ni Bing Castro-Villanueva, at mula sa supervision ng director and writer na si Nestor Malgapo, Jr.
ni Nonie Nicasio