HINDI itinago ni Ryza Cenon na nahirapan siya sa panganganak dahil hindi siya makagalaw mabuti (after manganak) bagamat normal ang delivery niya sa kanilang anak ni Miguel Antonio Cruz, na si Baby Night.
“Grabe lang talaga iyong delivery ko,” sambit ni Ryza sa digital media conference noong Martes ng hapon na pinagbibidahan niya at pinakabagong handog ng Sari Sari, TV5, at Viva Entertainment, ang Bella Bandida.
“Mahirap lang talaga kasi hindi ka magalaw. Pero kailangan mong gumalaw ng kaunti kasi kailangan mong mag-alaga ng baby dahil kailangan ka niya. Pero enjoy naman. Grabe lang talaga ‘yung delivery, ang tagal, pati labor ang tagal,” dagdag pa ni Ryza.
Pasalamat na lang din si Ryza na nariyan ang mga kaibigan niyang mommy na rin at nakahihingi siya ng mommy advise tulad nina Janice de Belen, Eula Valdez, Chynna Ortaleza, LJ Moreno, Chariz Solomon, at Isabel Oli.
Katunayan, si Chariz ang sumaklolo sa kanya nang nangailangan siya ng gatas ng ina para sa kanyang anak. “Oo, kinailangan ko kasi wala akong maibigay. Iyak siya ng iyak at hindi ko na alam ang gagawin ko. Tinawagan ko siya para humingi. At timing din na nag-post siya na willing siya mag-donate ng milk kasi ang dami niyang milk. So naisip ko siya kaya siya agad ang tinawagan ko. Even LJ, nagbi-breastfeed din siya, tinawagan ko rin siya kaya lang hindi siya sure kung safe ang milk niya sa baby ko. So kay Chariz na lang kasi bago pa rin lang siyang nanganak.”
Bale last year pa ginawa ni Ryza ang Bella Bandida at dumaan siya sa training. “Two weeks din ako nag-training ng mga fight scenes. Bale last year pa namin ito ginawa. Iba-ibang month ‘yung shooting naming kasi kasabay din nito ‘yung dalawang pelikulang ginagawa ko pa rin sa Viva. Hanggang sa natapos kami mag-shoot ng February, ‘yun ang hindi ko alam na buntis na pala ako nagpa-fight scene pa ako,” kuwento ni Ryza.
Natanong naming si Ryza ukol sa kanyang realization ngayong isa na siyang ina.
Aniya, “Marami, like ‘yung nawalan ng hope na magkaka-anak ako dahil sa inverted uterus. Hindi ako basta-basta makakabuo. Mayroon pa lang pag-asa, may hope pala basta huwag ka lang mag-give-up. Na kaya ko pa lang maging ina.
“‘Yung feeling na nailabas ko siya, my God. Kasi nag-struggle na ako sa delivery, one hour na, pagod na pagod na ako, kaya nasabi ko na ayaw ko na, ayoko na. Pero kinaya ko para sa kanya, sa anak namin. Ayaw ko kasing ma-CS (caesarian) kasi mahal, ha ha ha. Kailangan normal ito para mura, ha ha ha.”
At bagamat mommy na si Ryza, hindi niya binigyan ng limitasyon ang sarili sa paggawa ng role o project. “Hindi naman, hindi po. Siyempre part ‘yan ng trabaho ko ‘yan eh. Kumbaga, idedepende ko sa script ‘yun kung talagang kailangan na kailangan ‘yung mga sensual na scenes, gagawin koi yon. Kung hindi naman po kailangan, pag-usapan natin iyon.
Kasama ni Ryza sa Bella Bandida sina Josef Elizalde at AJ Muhlach. Ito ay mula sa gumawa ng mga nakamamanghang pelikulang BuyBust at Maria. Ang Bella Bandinda ay isang seryeng action-drama na hango sa comic book ng National Artist na si Francisco V. Coching na mapapanood na sa Nobyembre 25 sa TV5.
Gagampanan ni Ryza ang papel na Annabelle “Bella” Suarez, isang doktor na ang hangad ay mapabuti ang kalagayan ng mga kababayan sa Santiago. Ang kanyang nobyo na si Konsehal Brick Ortaleza (Josef) ay naglalayon ring puksain ang korupsiyon sa politika. Siya ay hinuhubog na maging susunod na alkalde ng Santiago.
Kasama rin dito sina Efren Reyes Jr. bilang Mayor Tigro, Lito Pimentel bilang Col. Emmanuel Barbaro, Rafa Siguion-Reyes bilang El Pistulero. Narito rin sina Sarah Jane Abad bilang Rhoda Velasquez at Ara Mina sa isang napakahalagang papel.
Ang seryeng ito ang unang “title role” para kay Ryza. Sa nakalipas na apat na taon, mahusay niyang nagampanan ang mga karakter na sina Georgia Ferrer sa Ika-6 na Utos (GMA-7), Aubrey Hidalgo sa FPJ’s Ang Probinsyano, at Jessie de Leon-del Fierro sa The General’s Daughter (ABS-CBN).
Sinasabing magmamarka bilang babaeng action heroes sa Philippine TV si Ryza kaya naman panoorin natin si Ryza sa Nobyembre 26 at tingnan natin kung kaya na niyang tapanan sina Angel Locsin, Anne Curtis, at Cristine Reyes sa pag-aaksiyon.
Ang Bella Bandida ay mula sa direksiyon ni Raffy Francisco. Ang Bella Bandida ay kasunod ng kanyang tagumpay bilang direktor ng mga TV commercial at music videos, bagamat ito ang unang pagsabak niya sa long-form narratives. Co-director naman niya rito si Temi Abad, isang mahusay na manunulat at creative consultant.
Sundan ang kuwento ni Bella Bandida, ang babaeng inapi, bumangon, at gumanti.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio