NOVEMBER 2, 2020 nang may i-post ang singer, comedian, host and later on eh public servant na si Arnell Ignacio sa kanyang social media handle na Facebook.
Ang say niya, “Noon ang artista kadalasan ang tingin eh mahina ang ulo… na stereoyped kung baga. Nakaka sama nga ng loob noon …pero ngayon ang hirap na ipagtanggol. Ang daming prueba eh.me yabang pa nga sa katangahan e.”
Personal na opinyon.
Pero alam naman natin, na pagdating sa kung anuman ang sabihin mo kahit pa sariling balwarte mo kung tutuusin, hindi lahat eh pabor o sang-ayon ang sasabihin.
Nag-post ng tila sagot niya sa post ni Arnell ang nasa Amerika na madalas manirahan na si G o Giselle Tongi. Na naalala pa nga ni Arnell na in-interview siya noong ginawa niya ang musical na Addams Family.
Say ng Giselle, “Arnel- dahan-dahan lang sa pag-atake ng mga kasamahang sa industriya na ginagamit lang naman ang kanilang boses na karapatan naman nila… Sa kaalaman ko ang may mahinang ulo ay yung di tumutubong buhok mo, kaya tuloy naka plug ins ka…”
Inusisa ko si Arnell sa komentong ito.
At tumawag naman agad.
“Himayin mo ang sinabi ko. Na noon ang artista, kung tingnan artista lang kaya mahina ang ulo. Na mismo ako, nao-offend noon dahil sa mga ganoong sinasabi. Ngayon, mahirap na nga rin sila ipagtanggol.
“Anong klaseng argumento ba naman ‘yang sinasabi niya. At ano kinalaman ng buhok ko roon? Kaya, kita mo nilalagyan lang niya ng pruweba ang sinasabi ko. Nasasaktan din ako kapag nilalait ang mga artista.
“Ikaw, alam mo ‘yan. Magkamali lang sa pag-i-Ingles o pagsagot ang artista, ang dami nang nasasabi at namemenos na. Kaya ang sinasabi ko, NGAYON, tayo na ang gumagawa ng pruweba na tanga tayo kasi nagsisisawsaw tayo, lalo na sa governance na wala naman tayong kaalaman. Kaya lalo lang tayo namemenos bilang mga artista.
“So, ano ang kinalaman ng buhok ko roon? Sinasabi ko ang naoobserbahan ko, ang nararamdaman ko. Bakit kapag ako ang pumupuna at may sinasabi, gigil na gigil sila? Ang alam mo lang sa akin, buhok ko? Magbasa ka naman. Anong klase ng argumento ang buhok ko?
“Hayaan mo, maglalabas ako ng bagong promo ng Arnelli’s Creative Hair Systems. Salamat din, maipo-promote ko na may show na ako simula sa Sabado sa GMA News TV, ‘OMJ’ (Oh, My Job!).
“Buhok! ‘No kaya ‘yun!”
Pinasalamatan naman ni Arnelli si Aiko Melendez sa komento nito. Sa pagsasabing, “Iba ka!”
Ani Aiko, “Lahat naman tayo may kanya-kanyang opinion sa pulitika. Me kanya kanya paniniwala pero hindi kasi ako sang ayon na mamemersonal ka sa pagtira ng kapwa mo.
“Pwede kasi naman ang issue is about mishandling of some things. Pero para tawagin mo kalbo o panget o ano man kapintasan ng isang tao hindi tama… #justsaying Kung me maganda at maayos ka na rebuttal sabihin mo out loud pero wag ka manghamak ng tao…
“Nakakalungkot naman. Dito na papunta ang argumento ng isang bagay.
“Personalan… Lahat tayo ay me kalayaan sa pagpuna ng isang pagpapatakbo sa bayan pero pag nauwi sa personalan ang atake ano tawag dun?… Think before you click nga dba. Gather facts muna… There is no harm in asking… #lowblow”
O, ha?
Kung may sabunutan dito, siguradong may mauubusan ng buhok at totoong makakalbo! Joke!
HARD TALK!
ni Pilar Mateo