ISANG opisyal ng Quezon City Police District (QCPD) ang nakalaboso matapos tumanggap ng suhol na tatlong kilong ‘fresh chicken drumsticks’ mula sa grupo ng motorcycle riders na pinayagang makalampas sa quarantine control point kahit walang naipakitang mga dokumento nitong Lunes ng umaga.
Si P/Lt. Rodrigo San Pedro Olaso, 43, nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB) ng QCPD, at naninirahan sa Balatung-B, Pulilan, Bulacan, ay inaresto ng kanyang mga nagreklamong tauhan na sina P/MSgt. Roberto Telan, Jr., P/Cpl. Alexis Licyayo, P/Cpl. John Paul Rebustes, at P/Cpl. Jericho Bautista.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), ang insidente ay naganap dakong 8:15 am, nitog Lunes, 2 Nobyembre, sa Batasan – San. Mateo Road, Barangay Batasan, QC.
Sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Marvin Masangkay, nagsasagawa ng Quarantine Control Point (QCP) ang mga operatiba ng QCPD-DMFB sa pamumuno ni P/Lt. Olaso nang harangin ng mga tauhan nito ang grupo ng motorcycle riders at hinanapan ng mga dokumneto gaya ng deed of sale ng kanilang mga sasakyan.
Bagamat walang naipakita ang grupo ay pinayagan umano ni Olaso na dumaan sa QCP pero makalipas lamang ang ilang minuto, dalawa sa riders ang bumalik at may dalang plastic bag na naglalaman ng tatlong kilo ng chicken drumstick at sinabing para ito sa mga nakabantay na pulis.
Pero tumanggi ang mga nagreklamong sina P/MSgt. Telan, Jr., police corporals Licyayo, Rebustes, at Bautista, at inutusan ang riders na ibigay ito sa humiling na si P/Lt. Olaso na agad namang tinanggap.
Agad na inireport ng mga operatiba ng DMFB-QCPD ang ginawang pagtanggap ni Olaso ng suhol na drumstick mula sa mga riders kaya agad na inaresto ang opisyal ng kaniyang mismong mga tauhan.
Inihahanda na ang kasong ‘indirect bribery’ laban sa nasabing opisyal ng QCPD. (ALMAR DANGUILAN)