Friday , January 9 2026
https://www.facebook.com/bingoplusph

Pia Wurtzbach, tahimik sa iringan ng ina at kapatid; Sarah, pinaratangang ibinugaw siya ng ina

SUMAGOT na finally ang ina ng magkapatid na Pia at Sarah Wurtzbach na si Cheryl Alonzo Tyndall sa mga paratang sa kanya ng bunso niyang anak na si Sarah.

Maraming taon na ring Tyndall ang gamit na apelyido ng ina nina Pia at Sarah dahil napangasawa nito si Nigel Tyndall, isang British na taga-London. Noong 2013 pa yumao ang ama ng magkapatid bagama’t 9 years old pa lang si Pia noong maghiwalay ang mga magulang nila. Isang taon lang ang tanda ni Pia kay Sarah.

Si Tyndall ang naging dahilan ng paninirahan ng mag-iina sa London, na roon nagdalaga ang magkapatid. Si Pia lang ang bumalik sa Pilipinas kaya nadiskubre siya ni Jonas Gaffud, mentor ng mga beauty pageant contestant, at binigyan ng training para sumali sa Bb. Pilipinas.

Nag-Instagram Live kamakailan ang naging napakapasenyosa rin namang ina ng magkapatid. Halos isang buwan na ring nilalait ni Sarah ang kanilang ina sa Instagram n’yang @sarahwurztbach. Noong unang bugso ng posts ni Sarah noong October 11, ang ina n’ya at si Pia ang kinakastigo nito, pero ilang araw lang ang nakaraan ay nagkaayos na sila ni Pia. Ang ina na lang nila ang pinagbubuhusan ni Sarah ng galit. May isang post pa siya ilang araw lang ang nakaraan na tinawag n’ya ang ina nila na “animal.”

Kaya biglang lumambot si Sarah kay Pia ay dahil sumugod sa London ang huli para nga aluin ito na nagmamarakuyo na ‘di na raw siya sinusuportahan ng kapatid na gaya nang ipinangako nito noon. Maaaring nangamba si Pia na baka kung ano-ano pa ang mai-post ni Sarah tungkol sa kanya. Isa sa mga ipinost ni Sarah noong October 11 laban sa ina nila at kay Pia ay: “Ang baho ng buhay n’yo!”

Hanggang ngayon ay nasa London pa rin si Pia, at sa isang podcast lang ng talk show na Queentuhan siya nakikita siya kaya’t di n’ya alam kung ano ang nangyari sa Miss Universe Philippines.

Katabi ni Mommy Cheryl sa pagharap sa kamera si Tyndall, na nanatiling walang kibo pagkatapos n’yang i-introduce sa live session na ‘yon ang misis n’ya.

Bago nga pala nakapag-Instagram Live si Mommy Cheryl, nakapag-post na naman si Sarah na inulit n’ya ang nabanggit na ratsadang post noong October 11 na, “she solicited me when I was 10” na ang ibig sabihin ay ibinugaw siya ng kanyang ina.

At ‘yung paratang na ‘yon ang bale naging sentro ng depensa ni Mommy Cheryl. Ipinagtapat n’ya na noong 10 years old pa lang si Sarah at sa isang subdivision sa Pasig pa sila nakatirang mag-iina, madalas na mga 10:00 p.m. na siya umuuwi ng bahay.

Nadiskubre umano nila ni Pia na nababarkada si Sarah sa ilang mga batang taga-subdivision din na ‘di rin umuuwi ng maaga. May isang gabi na sinamahan ni Pia ang kanilang ina sa pagliligid sa subdivision sa paghahanap kay Sarah. Literal daw na isinisigaw nila sa harap ng mga bahay sa subdivision ang pangalan ni Sarah para kung nasaang bahay man ito ay maririnig ng homeowner at palalabasin at sumama na sa nanay at sa kapatid n’ya.

Isang araw, may isang lalaking taga-subdivision din na nagsabi kay Mommy Cheryl na bantayan n’ya si Sarah dahil nababarkada ito sa ilang mga bata sa subdivision na napapabalitang nagdodroga.

Kinompronta ng ina ang anak pero itinanggi ni Sarah na nagda-drugs sila. Kinumpiska ng ina ang cellphone ni Sarah para ‘di na siya makontak ng mga kabarkada n’ya. Pero nagpatuloy pa rin si Sarah sa madalas na pag-uwi n’ya sa bahay ng 10 p.m..

Napangasawa ni Mommy Cheryl si Nigel at dinala sila nito sa London para roon na manirahan. Nakapagpatuloy ng pagha-high school si Sarah. Pero isang araw, nakatanggap ng sulat si Mommy Cheryl mula sa isa sa mga teacher nito na naalarma sa ikinukuwento na noong 12 years old pa lang siya ay na-rape siya sa Pilipinas.

Sumugod sa eskuwelahan si Mommy Cheryl at sinabi sa teacher ni Sarah na wala siyang alam na may ganoong nangyari kay Sara noong nasa Pilipinas pa sila. Pero pag-uwi nila ng bahay, kinompronta na naman ng ina ang anak at sinabi nga nito sa kanya na nagahasa siya. Pero ayaw ipagtapat ni Sarah kung sino ang lumapastangan sa kanya.

Naaala namin na may post si Sarah minsan na nagtatanong kung paano siya makakakuha ng record sa pulisya ng Pasig dahil may nangyari sa kanya noon na naka-record sa pulisya ng nasabing syudad.

Naniniwala pa rin naman si Mommy Cheryl na mahal pa rin naman siya ng anak n’ya na siya naman mismo ang nagpalaki. Naniniwala rin siyang magkakasundo rin silang mag-ina pero kailangan pa rin n’yang isiwalat ang katotohanan bago tuluyang mawasak ang pangalan n’ya.

Vlogger si Mommy Cheryl sa You Tube tungkol sa pagluluto. Sa vlog man n’ya o sa Instagram n’yang @cherylalonzoig, never n’yang pinatulan ang mga patutsada sa kanya ni Sarah. Ngayon lang n’ya idinepensa ang sarili.

Thirty years old na si Sarah, may asawa (si Charlie Mance, na ayon sa Ilang netizens na personal na kakilala si Sarah sa London, ay walang hanapbuhay). May dalawa silang anak at nakabukod naman sila ng bahay sa mag-asawang Cheryl at Nigel.

Dati namang may trabaho si Sarah bagama’t natigil ‘yon noong nagkapandemya.

Sa ngayon, kung ibabatay sa mga post n’ya, nag-aambisyon si Sarah na maging artista, o kaya ay maging modelo. Halos panay mga paseksing litrato n’ya ang ipino-post. Magandang babae rin si Sarah, gaya ni Pia at ng kanilang ina.

Sa isa n’yang post, nabanggit n’yang may agent na siya at naipadala na nito ang mga litrato n’ya sa Netflix para sa isang proyekto.

Parang nasa London pa rin naman si Pia hanggang ngayon. Wala rin namang napapabalitang may project siya rito sa Pilipinas na kailangan ang physical presence n’ya.

At habang isinusulat namin ito ay wala siyang reaction sa pagtatapat ng kanilang ina sa Instagram Live session nito. Aktibo na siya uli sa Instagram n’yang @piawurztbach, bagama’t halos lahat ng ipino-post n’ya ay tie-up sa mga endorsement n’ya at advocacy.

Wala pa rin siyang reaction sa mga ipino-post ni Sarah, pati na sa mga parunggit at paratang nito sa ina nila.

Kamakailan ay nagsimula na siyang mag-react sa Instagram posts ng boyfriend n’yang negosyante at environmentalist na si Jeremy Jauncey. May ugong na engaged na sila, pero pareho silang walang gaanong ibinabalita. Matindi pa rin naman ang interes ng madla sa Pinay Miss Universe 2015. Napakabuti na pinipigilan n’ya ang sarili na makipagsagutan sa kapatid n’yang kinakapos na sa kadisentehan at paggalang sa kanilang ina.

Danny Vibas

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Hataw Tabloid

Check Also

Anne Curtis Jasmine Curtis-Smith Father

Anne at Jasmine nagdadalamhati sa pagpanaw ng ama

ni Allan Sancon BALOT ng matinding lungkot ang pamilya nina Anne at Jasmine Curtis-Smith matapos pumanaw ang ama nilang …

James Curtis-Smith Anne Curtis Jasmine Curtis-Smith

Anne at Jasmine dinagsa ng pakikiramay mula sa mga kaibigan, katrabaho

PUSH NA’YANni Ambet Nabus MALUNGKOT ang pasok ng 2026 kay Anne Curtis dahil sa pagyao ng ama …

Bam Aquino Vico Sotto

Talent manager at online show host Noel Ferrer pinangalanan sina Bam, Vico bilang People of the Year 2025

HINIRANG ng talent manager at online show host na si Noel Ferrer sina Senador Bam Aquino at Pasig City …

Rave Victoria

Rave Victoria masaya sa suportang natanggap sa PBB Collab 2

RATED Rni Rommel Gonzales BINANSAGANG ”Optimistic Apo ng Tarlac” natapos na ang Pinoy Big Brother Celebrity …

Alden Richards

Alden  pang-international na bilang artista at producer

RATED Rni Rommel Gonzales KASAMA ang kanyang buong pamilya ay sa Amerika nagdiwang si Alden Richards ng …