IBANG klase talaga mag-comment ang mga tao na may breeding at edukasyon. At ‘yon ang ipinakita ng 1974 Miss Universe na Filipinang si Margie Moran nang mag-comment siyang (published as is) “Ysabelle Roxas is my CHAMPION” pagkatapos mai-announce ang winners ng kauna-unahang Miss Universe Philippines.
Si Ysabelle ang first runner-up kay Rabiya Mateo ng Iloilo City na siyang nagwagi ng titulo. Kinatawan ni Ysabella ang syudad ng Parañaque.
Mapupunang hindi n’ya sinabing: “Ysabelle Roxas is my Miss Universe Philippines.” O kaya ay ‘yung may taray na talagang, “Ysabelle Roxas is my Miss Universe Philippines! She’s the most deserving of them all!”
Ang karugtong ng unang pangungusap n’yang, “Ysabelle Roxas is my CHAMPION” ay “You were a stand out but the purpose designed for you is greater than you can imagine. ‘A star does not compete with other stars around it. It just shines.’ Matshona Dhliwayo [isang philosopher-writer mula sa bansang Zimbabwe] We love you for who you are. “
Mapupunang nagpahayag siya ng opinyon na hindi tinatarayan si Rabiya. Actually, wala siyang tinatarayan. Talagang nagpahayag lang siya ng opinyon n’yang napaka-personal.
Later on, naglabasan ang mga impormasyon na pamangkin n’ya si Ysabelle. May dugong Roxas ang Miss Universe 1974. ‘Yung Roxas ng dating presidente ng bansa na si Manuel Roxas. ‘Yung Roxas na lolo ni Mar Roxas na ang ama ay ang maagang yumaong senador na si Gerry Roxas (na ang napangasawa ay si Judy Araneta, mula sa angkan ng napakayayamang Araneta).
Pero masasabi rin namang napakadisente rin ng angkan ng apat pang ibang napabilang sa court ni Rabiya, pati na ang angkan ni Michelle Gumabao na nagwaging second runner-up. Kung walang angal ang apat na runners-up, ganoon din naman ang mga kaanak nila.
Ang mapayang tanggapin ang pasya ng mga hurado ng pageant ay siya namang tamang gawin.
Ano na nga bang pinagkakaabalahan ni Margie ngayon (na ang ginagamit pa ring legal na apelyido ay “Floirendo” dahil never namang ipina-annul nila ang kasal nila ni Tonyboy Floirendo kahit matagal na silang hiwalay)?
Siya ang kasalukuyang chairperson ng Board of Trustees ng Cultural Center of the Philippines. Bago siya nahalal sa puwestong ‘yon ay naging presidente muna siya ng Ballet Philippines (BP) ng maraming taon. Ang BP ay isa sa dalawang resident dance companies ng CCP.
Oo nga pala, sumagot naman si Ysabella sa post ng tiyahin n’ya: “I love you, Tita Margie. Thank you for the overflowing love, never ending support, and loving guidance.”
Very sweet and decent din na reply, ‘di ba?
Danny Vibas