SINO ang mag-aakalang ang nine years old na bata na gumanap na Trudis Liit, isang pelikulang inilabas noong 1963 ay magiging isa sa pinakasikat na artista ng pelikulang Pilipino, at mananatiling isang malaking star hanggang siya ay lumampas pa sa kanyang edad na 67? Bakit hindi namin sasabihin iyan eh alam naman naming ilang taon pa mula ngayon, mananatiling sikat na aktres si Vilma Santos, may gawin man siyang pelikula o wala.
Naiwan ni Ate Vi ang kanyang pagiging aktres dahil sa dami ng kanyang trabaho ngayon bilang isang opisyal ng pamahalaan. Iyon pa nga ang isang bagay na iisipin mo, iyong batang iyon ay naging mayor, governor, at ngayon ay congresswoman pa.
Nagsisimula pa lamang kaming magsulat noong sumisikat si Ate Vi bilang isang teenage star. Natatandaan naming, pinuntahan pa namin siya sa kanyang bahay, doon sa may La Loma para ma-interview. Pero mali ang timing namin dahil may pitong malalaking bus galing probinsiya na nakahinto sa kalye nila. Arkilado pala iyon ng kanyang fans na gusto siyang makita. Ang ending si Papa Santos ang aming nakausap at siyang nagbigay sa amin ng mga balita tungkol kay Ate Vi.
Pagkatapos niyon, nakikita naman namin si Ate Vi, pero laging maraming nagkakagulong fans. Iyon namang naging mga barkada namin sa showbiz, natangay kami sa ibang kampo. To cut the story short, ang kasunod na encounter namin talaga ay nai-arrange dahil sa isang assignment ni Uncle Mars Ravelo, at ginawa namang lahat ng PRO ni Ate Vi noon na si Cleo Cruz na magkaharap kami. Kinunsinti naman iyon ng manager niyang si William Leary, na pinatigil pa ang shooting nila dahil napahaba nga ang interview namin.
Doon sa interview naming iyon kay Ate Vi, nanibago kami. Hindi namin akalain na aaminin ni Vilma sa amin ang maraming katotohanan na hindi pa niya inaamin sa publiko. Noong panahong iyon, hindi pa niya inaamin na siya ay buntis. Hindi pa rin niya inaamin na nagpakasal na nga siya sa abroad. Pero lahat iyon ay inamin niya sa amin. Nakakapanibago, dahil ang mga artista noong panahon iyon karamihan sinungaling.
Ang kasunod niyon, kinumbida kami ni Ate Luds, ni Inday Badiday ang talagang “queen of intrigues” sa kanyang show sa Channel 13. Habang may commercial break, napag-usapan ang gaganaping film festival at natanong kami ni Ate Luds kung sino sa tingin namin ang best actress. Ang isinagot namin, “si Vilma Santos.”
Umiral na naman ang pagka-intrigera ni Ate Luds, akala niya hindi namin kayang sabihin iyon nang harapan. Nagkaroon ng katuwaan, “side bet” kung masasabi namin iyon on the air. Pagbalik ng show pagkatapos ng commercial break, bigla niya kaming tinanong kung sino sa akala namin ang mananalong best actress. Sinagot naman namin siya. Si Vilma Santos. Iyon na nga ang simula ng mga intriga, at dahil din doon, naging kaibigan naman namin si Ate Vi hanggang ngayon.
Hanggang ngayon, walang ipinagbago si Ate Vi. Wala siyang pakialam, basta sasabihin niya sa iyo at aaminin kung ano ang totoo. Tapos sasabihin niya, “ikaw na ang bahala” dahil alam niya na hindi mo naman siya ipapahamak. Bakit mo naman ipapahamak iyong taong nagsasabi ng totoo.
Iyon ang maganda kay Ate Vi. Sinasabi niya kung ano ang totoo at kahit na sa fans niya, wala siyang itinatagong kahit na ano. Masyadong transparent ang kanyang buhay. Sabi nga namin, iyan ang government official na hindi na kailangang gamitan ng Freedom of Information Law. Lahat naman sinasabi niya eh.
Minsan sumasama rin ang loob niya, at kung mangyari iyon sa inyong dalawa, kakausapin ka niya at sasabihin niya nang diretso sa iyo. Makikinig naman siya kung ano ang paliwanag mo. Maraming sikreto si Ate Vi na inaamin niya, pero mahihiya kang ilabas kasi nagtitiwala siya sa iyo.
Sa lahat ng sinabi ni Ate Vi, isa lang ang hindi namin pinaniwalaan. Iyong siya ay 37 years old na.
Ed de Leon