PASOK ang sexy actress (ng kanyang panahong) si Rosanna Roces sa stellar cast ng Anak Ng Macho Dancer ng Godfather Productions ni Joed Serrano, na magsisimula nang mag-shoot sa Nobyembre 2020.
Noong araw ng physical presscon (observing proper protocols lalo na ang social distancing) nito, excited ang Osang sa paghahanda sa pagharap sa press na kanyang na-miss.
Nag-parlor. Nagpaganda.
Na mabubura lang sa kalaunan ng tsikahan sa ilang malalapit na press sa kanya dahil ‘di naiwasan ang maiyak.
“Kung tutuusin kasi, na-realize ko na sa kabila nitong dumating na pandemya sa atin, sa akin napakaganda ng 2020.
“Bati na kami ng anak kong si Onyok. Usually kasi, ang apo kong si Leon ang sinasabihan ko ng mga mensahe ko para sa kanya. Gayundin ang tatay niya. Napagod na si bagets (na 12 years old na). Kaya sabi sa akin, bakit hindi na lang kami ng tatay niya ang mag-usap. ‘Yun nga ang nangyari. Kaya ang saya ko na.
“Grabe kasi ang dinaanan kong kalungkutan. Nang mawala ang lahat sa akin. Pamilya, kamag-anak, kaibigan. Pwede palang mangyari ‘yun. Ilang Pasko ‘yun na mag-isa lang ako. Nang talikuran ako ng mga mahal ko. Luto ako ng luto, wala naman sila.
“Ngayon, maiiba ang Pasko. Kasi, buo na kami. Mayroon pa akong Blessy. Wala na nga akong mahihiling pa. Ang bait ng Panginoon sa akin, sa amin. We can be gay and Christian also. Kaya noong nag-reunite kami ni Onyok, shopping galore talaga kami. Kumbaga, burado na ang lahat ng dumaan sa amin.
“Biruin niyo, after 27 years dumating uli si Blessy sa akin. Kahit may Scoliosis siya, pinagsisilbihan ako, lahat siya. At hindi na sa sex lang umiikot ang buhay ko. Kaya mas naiintindihan ko na ngayon ang tunay na diwa ng Pasko. At kung may wish ako, hindi na para sa akin ‘yun. Sa ibang tao na. Kapayapaan. Kapatawaran. Bumagsak ako. Pero pinabangon pa rin ako.
“Tapos, sa trabaho ko, dumarating naman. Tinanggap ko itong ‘Anak ng Macho Dancer’ kasi gusto kong bunawi kay Direk Joel (Lamangan). Sa pagiging pasaway at pagiging unprofessional ko sa ilang pagkakataon sa set niya. Kaya, laking pasasalamat ko na, na-consider ako sa project. Nakatapos na ako ng ilang projects this year. Marami pa ang naka-line-up.
“Si Blessy ang nagpatatag sa akin. Lagi niya ipinaaalala sa akin na dapat maging professional ako pagdating sa trabaho. Ang mga kasama ko pa naman ngayon, mga artistang nakasama ko at na-miss–si Allan (Paule), si Emilio (Garcia), si Jay (Manalo) tapos, itong mga baguhan. Masarap na maging bahagi ng pag-alagwa nila sa isang mahalagang proyekto.”
Interesante ang magiging papel ni Osang sa pelikula. Si Sean de Guzman ang gaganap bilang si Inno, ang anak ng macho dancer. Si Allan ang kanyang ama bilang si Pol. At si Osang bilang si Tere, ang dakilang ina ni Inno.
Sa orihinal na Macho Dancer, ginampanan ni Jaclyn Jose ang katauhan ni Bambi na love interest noon ni Pol.
Babalik ngayon ang karakter niya sa buhay ng anak ni Pol. Ang kikay pa rin na si Bambi.
Kaya, aabangan ang magiging mga komprontasyon nila ni Tere sa mga eksena.
‘Time heals all wounds,’ ang naging realization ni Osang sa mga taon na hinintay niya para mangyari ang pagbabago sa kanya.
Nangibabaw pa rin ang pagiging ina.
Aminado na sa isang panahon, unstable ang mind niya. Ngayon, buo na siya sa pagmamahal ng mga anak na sina Grace at Onyok.
At malamang na makita natin ‘yun sa ibabahagi niyang katauhan ni Tere sa Anak Ng Macho Dancer.
Kahit nabura na ang make-up na pinaghandaan niya, lumitaw pa rin ang tunay na natural na kagandahan ng Diosang sa kaibuturan na ng puso nagmumula.
Pilar Mateo