NAG-BAKE ng pan de sal si Aiai delas Alas. Nagnegosyo rin ng kakanin si Gladys Guevarra. Gumawa ng peanut butter ang dating Viva Hotbabes na si Zara Lopez and in fairness mas masarap ang peanut butter niya kaysa mga imported. Noong isang araw, nagulat kami dahil pati na ang kaibigan naming si Richard Reynoso, nag-aalok na rin ng snacks on line. Napakaraming mga artista na ngayon ay nasa on line business, at ang binanggit namin ay iyong nagbebenta lamang ng pagkain.
May mga nagbebenta pa ng sapatos. May nagustuhan pa nga kami minsan at bumili kami, bago namin nalaman na iyon palang ibinenta sa amin ng p4,000 ay P1,000 lang pala sa tiangge sa Greenhills dahil “class A lang naman.” Pero ngayon lalo na nga’t wala rin iyang mga tiangge dahil sa social distancing, talagang masyado kang maraming mabibiling mahal on line.
Sinasabi nga nila, “iyan ang new normal.” Kailangan kang magbenta on line ng kahit na ano para ka mabuhay. After all, wala na nga halos trabaho ang marami, at marami naman ang hindi makalabas ng bahay. Kaya pumapatok ngayon iyang on line, lalo na nga ang mga artista dahil wala silang trabaho ngayon.
Mayroon pa nga “nagbebenta ng aliw on line.”
Pero ang masasabi lang namin diyan sa mga nagnenegosyo on line, huwag naman masyadong magsamantala. Mayroon nga nagbebenta ng libro para pa sa simbahan na ang presyo ay doble. Nagbebenta ng mga rosary na doble rin ang presyo, ay may halo pang pambobola.
Maging parehas lang tayo. Sana kagaya rito sa Hataw. May on line business din ang aming kasamang si Layana Patria, pero kung titingnan mo ang presyo niya halos walang tubo. Kumukuha kasi siya ng paninda sa lehitimong suppliers, at ibinebenta gaya ng presyo ng karaniwang retailers. Hindi kagaya noong iba sa on line ang gusto parang tumama na sila sa lotto.
Ed de Leon