SA Joey & Son unang nakita ang pagiging komedyante ni Ian Veneracion. At muling matutunghayan ang pagpapatawa at pagbibigay-saya niya sa family sitcom na Oh, My Dad na mapapanood na simula Sabado, Oktubre 25, 5:00 p.m. sa TV5.
After Joey & Son naging matinee idol, action, at drama star si Ian at after 40 years, ngayon lamang niya babalikan ang paggawa ng sitcom. At base sa reaction ng mga nakapanood na ng rushes ng sitcom, swak na swak pa rin sa pagpapatawa ang aktor. Likas pa rin ang husay niya sa komedya at pasadong-pasado, ‘ika nga.
Nalaman naming nanggaling ang konsepto ng OMD sa producer na si Atty. Joji Alonso ng Quantum Films at saka ibinato sa Team ng Brightlight Productions na sina Albee Beniez, Pat P. Daza, at Corinna Vistan.
Agad binigyan nila ito ng go-signal kaya kinuha ni Atty. Joji para maging writer si Alpha Habon. Siya ang writer ng film festival entry ng Quantum Film na Buy Now, Die Later. Nakitaan kasi siya ng potensiyal ni Atty. Joji kaya nakaplano na ang movie directorial debut ni Habon.
Ang award-winning TV and movie director na si Jeffrey Jeturian naman ang kinuhang director ng OMD. Bale reunion ito nina Jeturian at Atty. Alonzo dahil siya ang director ng dating TV show na produced at hosted ni Atty.
Ani Atty. Joji, hangad niyang makatulong sa TV workers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang dala ng Covid-19 kaya sumbak muli siya sa TV production bukod pa sa nais niyang makapagbigay-saya at kaligayahan sa mga manonood.
Ang kuwento ng OMD ay iikot ukol sa isang sikat na basketball player pero bad boy na gagampanan ni Ian, si Mathew. Most Valuable Player siya at mabenta bilang endorser, showbiz gigs kaya naman bongga ang lifestyle.
Pero nabahiran ang linis ng pangalan niya nang masangkot sa isang eskandalo kaya napilitan siyang lumipad sa Amerika. Bumalik sa bansa matapos ang ilang taon at isa pa ring bachelor. Umaasa rin siyang maibabalik ang kasikatang tinamasa dahil agad siyang may offers.
Pagbalik nga lang ni Matthew, may naghahabol sa kanyang anak – hindi lang isa kundi tatlo!
Makakasama ni Ian sa Oh, My Dad si Dimples Romana na gaganap na kababata niya. Unang sabak ito ni Dimples sa sitcom matapos hangaan sa husay sa Kadenang Ginto.
Kasama rin sa sitcom sina Sue Ramirez, Louise Abuel, at Adrian Lindayag.
Kaya tumutok tuwing Sabado sa pampamilyang sitcom na Oh, My Dad, 5:00-6:00 p.m. sa TV5.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio