MAGLALAAN ng P4 bilyon ang gobyerno para ipautang sa small and micro-enterprises (SMEs) upang ipambayad sa 13th month pay ng kanilang mga empleyado, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa Palace virtual press briefing kahapon, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakahanda ang Department of Trade and Industry (DTI) na ilaan ang P4 bilyong pondo para ipautang sa SMEs bilang soft loans upang makasunod sa batas na bigyan ng 13th month pay ang kanilang mga kawani.
“DTI Secretary Mon Lopez informed me that they have a fund of P10 billion from its attached agency, Small Business Corporation and they are willing to share about P4 billion of that soft loans,” sabi ni Bello.
Nakahanda rin aniya ang mga bankong kasapi ng Rural Bank Association of the Philippines na magpautang sa SMEs.
“With soft loan they mean minimum interest with no collateral requirement,” giit ni Bello.
May komitment din aniya ang grupo na madaliin ang pagpoproseso ng mga utang para umabot ang mga kompanya sa patakan na maibigay ang 13th month pay bago ang 24 Disyembre.
Hiniling aniya ng DOLE kay Pangulong Rodrigo Duterte kung may savings o standby funds ang gobyerno na maaaring gamiting subsidy sa SMEs upang mabigyan ng 13th month pay ang kanilang mga manggagawa. (ROSE NOVENARIO)