DERETSO sa kulungan ang isang lalaki na nang-agaw ng motorsiklo ng isang rider at nang-hostage pa ng isang menor de edad sa Barangay Pag-asa, Quezon City, ayon sa ulat ng pulisya.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Ronnie Montejo ang suspek na si Mateo Bajandi, 38, residente sa Camarines Sur.
Batay sa ulat ng QCPD, dakong 7:50 am nang maganap ang insidente sa North Avenue, kanto ng Agham Road sa Barangay Pag-asa.
Naaktohan ng mga nagpapatrolyang tauhan ng QCPD na puwersahang inagaw ng suspek ang motorsiklo na sinasakyan ng isang ‘di-pinangalanang rider, habang nakatigil sa stop light sa naturang lugar.
Mabilis na naresponde ang mga pulis kaya’t napilitang tumakas ang suspek na hinabol ng mga awtoridad ngunit nang malapit nang makorner ay ini-hostage ang isang 11-anyos batang lalaki, gamit ang isang itak.
Nakipagnegosasyon ang mga pulis sa suspek na sumuko nang matiwasay at huwag saktan ang hostage ngunit tumanggi ang lalaki.
Sa kasagsagan ng negosasyon, nagawa ng mga alerto at dalubhasang pulis na siya ay disarmahan at arestohin. Ligtas din nilang nasagip ang paslit, na hindi nasaktan sa insidente.
Pinuri ni Montejo ang mga pulis mula sa Masambong Police Station (PS 2), na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Ritchie Claravall, District Tactical Mobile Unit (DTMU) na pinangungunahan ni P/Maj. Leony Dela Cruz at RHPU-NCR, nang agad madisarmahan ang suspek at mailigtas ang ini-hostage na paslit. (ALMAR DANGUILAN)