ALL praises si Benjie Paras kay Empoy Marquez pagdating sa pagko-komedya. Naganap ang pagpuri ni Benjie kay Empoy sa katatapos na Digital Media Conference ng pinakabagong handog ng Viva TV, Cignal TV, at SariSari Network, ang Ghost Adventures 2, na mapapanood sa TV5 sa October 31, 6:00 p.m..
Taong 2006 unang nagkasama sina Benjie at Empoy sa Family Zoo sa QTV11. At dito pa lang, nakita na ni Benjie na may potensiyal para maging magaling na komedyante si Empoy.
Ani Benjie na siyang may idea para mabuo ang Ghost Adventures, tawang-tawa na siya kay Empoy sa una pa lang pagsabak nito sa pag-arte sa Family Zoo.
“Si Empoy matagal ko nang nakasama ‘yan. Sa isang comedy show na nangailangan kami ng isang komedyante. Sabi nila may bago, si Empoy daw. Sabi ko, ‘narinig ko na ‘yun.’ Tapos noong nakita ko pa lang si Empoy isinabak namin doon sa isang script na ginawa naming. Tawang-tawa na ako sa kanya.
“So ‘yung kay Empoy kasi, natural. Kung paano mo siya kausapin sa labas, hindi siya umaarte, ‘yun na siya kaya nakakatawa talaga. Wala siyang effort kaya minsan sinasabi nga roon, anong punch line? Anong punchline eh ayan si Empoy pagalawain mo lang. ‘Yun na!
“It’s like ano eh, kung nakikita n’yo si Tito Dolphy, hindi na kailangang magsalita ni Tito Dolphy, with his reactions, ‘yung movement, matatawa ka na eh. Same thing with Empoy.”
Reaction naman ni Empoy sa sinabi ni Benjie, “Flattered po ako sobra. Parang nag-reunion kaming dalawa at magkasama kami rito, na siya ang nag-create, sobrang masaya ako kasi nakitaan niya ako ng potential dati pa lang.
“Siya mismo ang pumili sa akin sa family show, ‘yung sitcom namin nina Ara Mina. ‘Yung time na ‘yun ginagawa naming ang ‘Family Zoo,’ at ‘yung kay ‘Super Inggo’ magkasabay. In the goodness of God, pareho kong nagawa, walang naging problema sa mga network po.”
Aminado naman si Empoy na hindi naging madali ang magpasaya lalo’t may pandemic pa rin.
“Sa ngayon na unti-unting nagiging normal, habang isinusulat niya (Benjie) ito naalala niya siguro ‘yung character na pwedeng maging swak sa akin na nakatatawa at nakatatakot at ako ang naisip niya.
“Very challenging kasi nagkataon na medyo nade-depress, nai-stress about sa pandemic pero hindi ‘yun hadlang para makapagpasaya pa rin ng mga tao at makapagbigay ng hope dahil sa pinagdaraanan natin ngayonna may Covid-19 pandemic,” saad ni Empoy.
Taong 2019 unang nagawa ang Ghost Adventure na sa simula pa lang ng taping ay nakaisip na agad ng part 2 si Benjie.
“Noong ginagawa naming iyon kais nagbigay ako ng concept sa Viva tapos inayos namin ‘yung script and then noong ginawa na namin, first day pa lang nasabi ko na may naisip na akong part 2. Eh tamang-tama andoon ‘yung writer. Nagkuwentuhan kami ng writer hanggang sa pumasok na itong part 2 at nagawa na nila kaagad.”
Iginiit ni Benjie na si Empoy talaga ang eksaktong tao para sa role. “Kasi ‘yung ginawa ko sa part 1 puro white ghost lang iyon eh. So ngayon nilagyan na ng dark ghost. Pumasok na si Empoy at iba-ibang klase ng ghost at iba-ibang problema na,” kuwento pa ni Benjie.
Bukod kina Benjie at Empoy, kasama rin sa Ghost Adventures sina Kylie Verzosa at Andrew Muhlach na idinirehe ni GB Sampedro.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio