NADAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang miyembro ng Abu Sayaff Group sa isinagawang operasyon sa Pasay City kamakailan.
Sa naganap na press briefing, iniharap sa media ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin at PIO chief Nick Suarez, ang dalawang suspek na sina Jamar Iba, alyas BAS, at Raden Jamil, alyas Tamiya, kapwa miyembro ng ASG.
Ayon kay NBI OIC Director Eric Distor, ang dalawa ay naaresto ng mga tauhan ng NBI Counter Terrorism Division makaraan ang matagumpay na surveillance nang makatanggap ng impormasyon na namataan umano si Bas sa Pasay City.
Nabatid, unang nasakote si Bas noong 12 Oktubre habang si Tamiya ay nadakip noong Oktubre 19.
Ang dalawa ay kapwa sangkot sa Jehova’s Witnesses kidnapping noong 2002 sa Patikul, Sulu at kasama sa Order of Arrest na inisyu ng korte.
Sa kasagsagan ng kidnapping activity ng ASG ay nagsilbing perimiter guard si Bas. (BRIAN BILASANO)