PUMAYAG na ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na mairaos ang ilang sports events sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at iba pang may mas mababang quarantine classification.
Pero sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nakabase pa rin ito sa ilang kondisyon.
Ayon kay Roque, puwede nang mairaos ng Philippine Super Liga ang beach volleyball tournaments nito sa ilalim ng sports bubble concept.
Dagdag ni Roque, pinapayagan na rin ng IATF ang operasyon ng off-track horse race betting station sa GCQ at sa may mas mababa pang klasipikasyon.
Ang sabong naman ay papayagan lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng MGCQ, pero ayon sa IATF, bawal itong i-broadcast o gawin online.
Ani Roque, dapat ay may kinatawan ang lokal na pamahalaan sa superbisyon ng mga sabong.
Iginiit rin ni Roque na bawal ang audience sa mga sabungan at kailangan ang mga manok at ang mga taga-hawak nito ang naroroon lamang. (ROSE NOVENARIO)