NANAWAGAN si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa pamunuan ng Simbahang Katoliko na maagang bumuo ng mga plano para maobserbahan ang ligtas na Simbang Gabi o Misa de Gallo sa darating na kapaskuhan.
Kasabay nito, hinimok ni Mayor Isko na magsagawa na rin ng preparasyon at plano para sa pinakamalaking kapistahan sa bansa, ang paggunita sa araw ng Itim na Poong Nazareno, nang sa gayon ay hindi malabag ang health & safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan ngayong panahon ng pandemyang CoVid-19.
Sinabi ng alkalde, ngayon pa lamang ay dapat nang talakayin at plantsahin ang mga plano para sa mahahalagang relihiyosong okasyon.
Ayon kay Isko, nakahanda ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na makipagpulong sa mga pinuno ng Simbahang Katoliko upang makabuo ng plano para sa Simbang Gabi at sa pista ng Nazareno.
“I hope that they (Church authorities) will already begin planning among themselves on how we are going to practice the traditions while keeping everyone safe from CoVid-19. Kami naman ay handang makipag-ugnayan sa kanila,” ayon sa alkalde.
Wala man perpektong formula, naniniwala si Mayor Isko na makabubuo ng magandang plano ang mga lider ng simbahan para rito.
Umapela ang alkalde na maging maagap ang Simbahan dahil may mga bagay na hindi kayang kontrolin pero puwede naman iwasan. (BRIAN BILASANO)