ARESTADO sa mga operatiba ng Manila Police District – Malate Station (MPD-PS9) ang isang ‘pusakal’ na tinaguriang big time casino junket scammer/swindler na minsan nang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at sinabing ginagamit ang pangalan at mga retrato na kasama si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang opisyal ng gobyerno noong 2017.
Sa ulat ng MPD, nadakip ang suspek na si Lino Lim, 46 anyos, residente sa BF Almanza, Las Piñas City, sa bisa ng warrant of arrest sa kasong estafa na ipinalabas ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 80 Acting Presiding Judge Madonna Echiverri.
Base sa ulat ni MPD PS9 commander P/Lt. Col. Robert Sales, dakong 8:00 pm nang ikinasa ng kanyang Intelligence operatives ang manhunt at pagsisilbi ng warrant laban kay Lim sa isang kuwarto sa 23F City Land Tower 2 sa P. Ocampo St., Malate, Maynila.
Batay sa impormasyon, si Lim ay minsan nang nadakip ng mga kawani ng NBI noong 2017 makaraang ireklamo ng multi-million estafa at ginagamit anila ang pangalan at selfie shots kasama ang ilang matataas na opisyal tulad ni Pangulong Duterte upang makombinsi ang mga naging biktima na magpasok ng investment sa casino junket.
Sa ganitong paraan naisakatuparan ang panloloko at pagkakamal ng salapi ng suspek na kasalukuyang nakapiit sa MPD PS9.
(BRIAN BILASANO)