UNANG idineklara ng Meralco na ang “no disconnection policy” hanggang Oktubre 31 ng taong kasalukuyan. Heto at muli nilang pinaalalahanan ang mga consumers na bayaran na ang nakonsumong koryente noong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) na pinayagan sa sistemang installment, dahil marami pa rin ang hindi nagbabayad dahil nagkaroon ng anunsiyo na iimbestigahan at babawasan saka ibabalik sa susunod na konsumo ang kabigla-biglang pagtaas ng koryente ng bawat consumer. Hindi naman nangyari ito, dahil hindi nagbago at patuloy na tumataas ang electric bill. Mukhang pinagloloko tayo ng MERALCO!
Halatado na ang hayagang panloloko na! Heto ngayon, hindi raw sila magpuputol ng koryente pagkatapos ng 31 Oktubre bilang konsiderasyon daw! Ibig sabihin kailangan talagang bayaran ang nakonsumong koryente noong panahon ng ECQ…
Kawawa ang taong bayan partikular ang maliliit nating kababayan na habang pinag-iipunan ang nakonsumong koryente sa panahon ng ECQ patuloy naman ang dating ng electric bill sa panahon ng GCQ.
Kung mababayaran mo sa Oktubre 31 ang nakonsumo sa panahon ng ECQ, paano mo naman mababayaran sa panahon ng GCQ? Parang alkansiya na pinag-iipunan ang trato ng Meralco, madilim na ang paningin ng ating mga kababayan sa gutom, magiging madilim pa ang kapaligiran sakaling ‘di makapagbayad ng naipon muling electric bill sa panahon ng GCQ.
Paano na ang mga may anak na nag-o-online learning? May wi-fi nga wala namang koryente dahil hindi mabayaran ng mga magulang ang electric bills sa panahon ng GCQ dahil nagbayad sa panahon ng ECQ na ang deadline ay sa Oktubre 31?
Sinisisi ang pandemic na kalagayan ng bansa o dahil walang koleksiyon ang Meralco kaya ang kanilang paraan ay patuloy na sumingil ng napakataas na halaga sa mga electric bill upang mabawi ang kanilang pagkalugi?
Habang ang maliliit o malalaking negosyante ay pawang apektado ng pandemic pero hindi makabawi!
Habang ang MERALCO ay bumabawi sa taas ng electric bills!
Tila nilukuban na talaga ng koryente ang puso ng mga namumuno sa MERALCO, patay kung patay!
Basta magbayad kayo! Higit pa sa isang napakalakas na boltahe ng koryente ang pinasabog ng Meralco sa lahat ng consumers na ngayon ay nagsasakripisyo sa mga babayarang electric bills!
Meralco ang papatay sa sangkatauhan ng ating mga kababayan, ang kagulat-gulat na electric bills!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata