MABILIS na nagtungo si PRO-4A Regional Director P/BGen. Vicente Danao, Jr., upang personal na makita ang kalagayan ng isang pulis ng Amadeo Municipal Police Station na inoobsebahan sa General Trias Doctors Hospital dahil sa tama ng bala mula sa isang lalaking amok na nagpaputok ng baril sa Barangay Pangil, Amadeo noong gabi ng 5 Oktubre.
Kaugnay nito, pinarangalan ni Danao si P/EMSgt. Gregorio Cuevas ng “Medalya ng Sugatang Magiting” sa pagpapakita ng kanyang kabayanihan, tapang at dedikasyon sa kanyang sinumpaang tungkulin.
Nakatanggap din ng tulong pinansiyal mula kina Danao at PRO-4A ang pamilya ni Cuevas.
“Thank you for your dedicated service, ang iyong ginawa ay pagpapakita ng katapangan, katapatan at dedikasyon sa serbisyo. Magpagaling at magpalakas ka lang, ‘wag alalahanin ang gastos dito sa ospital. Keep up the good work,” pahayag ni Danao.
Matatandaan noong gabi ng 5 Oktubre nagresponde si Cuevas sa tawag ng mga residente dahil sa armadong amko na si Raydan Montibor, construction worker, residente sa East West Road, Barangay Pangil, Amadeo, Cavite.
Sa pagresponde ng grupo ni Cuevas, agad silang pinaputukan ng suspek gamit ang isang kalibre .45 at long firearm na carbine dahilan ng pagkakasugat at agarang pagkamatay naman ni Montibor.
Kasalukuyang inoobsebahan si Cuevas sa naturang pagamutan makaraang operahan ang mga naapektohang body organs bunsod ng tama ng bala.
Ipinaabot ni Danao ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa pulisya ng PRO-4A sa patuloy na pagseserbisyo sa bayan sa kabila ng pandemya na kinakaharap natin ngayon.
(BRIAN BILASANO)