NANINIWALA si Senator Christopher “Bong” Go na mas marami ang tapat na mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI) kaysa tiwali kaya dapat maihiwalay ang mga bulok sa kawanihan.
“Naniniwala pa rin naman ako na mas marami ang matitinong tao riyan sa Bureau of Immigration, kaya huwag natin hayaang makahawa po itong mga bulok na empleyado diyan sa mga empleyado na gusto lang magserbisyo sa kapwa natin Filipino,” pahayag ni Go.
Upang tugunan ang isyu ng katiwalian sa BI, inihain ni Go ang Senate Bill 1649 na nagnanais na ipatupad ang modernisasyon ng BI, paglikha ng mga posisyon, at pagtatakda ng sahod para sa co-terminus na mga opisyal at empleyado ng kawanihan.
Ang pagbuo ng mga naturang posisyon batay sa panukalang batas ay upang maging mas produktibo at episyente ang BI.
Hinamon ni Go si Justice Secretary Menardo Guevarra at Immigration Commissioner Jaime Morente na purgahin sa korupsiyon ang kawanihan.
“I challenge Secretary Guevarra na pakiusap lang po, alam ko malaki ang tiwala ko sa inyo and even Commissioner Morente, linisin ninyo po ang Bureau of Immigration at kung kakailanganin po ay handa po akong umalalay sa inyo para linisin po ang inyong hanay sa Bureau of Immigration,” ani Go.
Hinimok ng senador ang mga kapwa mambabatas na tulungan ang administrasyong Duterte na linisin ang gobyerno.
“Kung may nakikita kayong katiwalian, ilabas natin dito. Less than two years na lang sa puwesto ang ating Pangulo, at sana ay patuloy po tayong magtulungan para tuluyang masugpo ang corruption,” aniya.
“Let us work together to get to the bottom of this. We need a whole-of-government, whole-of-nation approach to put an end to corruption in order to give our countrymen and women the kind of service they truly deserve,” dagdag niya. (R. NOVENARIO)