KAPWA iginiit nina Direk Joel Lamangan at Joed Serrano, producer ng Anak ng Macho Dancer na napili nila si Sean de Guzman, isa sa miyembro ng Click V dahil sa hitsurang inosente nito dagdag pa na kamukha siya ni Allan Paule na nagbida sa Macho Dancer noong 1988.
Bentahe rin ni Sean ang marunong umarte dahil nakalabas na ito sa Lockdown na idinirehe rin ni Lamangan at ang galing sa pagsayaw na siyang ginagawa ng kanyang grupong Click V.
“Nakikita ko kay Sean na maaari siyang maging malaking artista,” sambit ni Direk nang matanong kung ano ang nakita kay Sean para piliin ito sa rami ng nag-audition na magbida. ”Wala kasi siyang takot kahit ano ang ipagawa mo sa kanya. Nakita ko iyon doon sa ‘Lockdown’. Confident siya sa ginagawa niya, walang arte-arte. Napakahusay niya roon tulad ng mga kasama niya sa pelikulang ‘Lockdown.’
Iginiit pa ni Direk Lamangan na, ”Kahit marami sila, umangat talaga ang galing niya sap ag-arte, magaling pa siyang sumayaw at mayroon siyang ipakikita.”
Meant to be naman kung ituring ni Joed si Sean na magbida sa kanyang ipo-prodyus na pelikula. ”Four years ago pa ako nagpa-audition para sana rito nga sa Anak ng Macho Dancer. Pero wala kaming napili noon. Nag-audition pa nga ‘yung anak ni Eric Fructuoso.”
Hindi rin naman akalain ni Sean na siya ang mapipili sa nasabing pelikula na ipinagtapat ng kanyang manager na si Len Carillo na ayaw pa nitong mag-undergo ng audition dahil hindi pa handa.
“Naiiyak nga ‘yan kasi noong pinapupunta ko para sa audition ayaw niya. Tapos noong nakapunta na siya tumawag sa akin, umiiyak din. Kaya pala umiiyak kasi nga siya ang nakakuha ng lead role,” kuwento ni Len.
Malaki naman ang pasasalamat ni Len na si Sean ang nakakuha ng proyekto dahil mabait na bata raw ito.
“Parang nasa alapaap ako sa saya. Ninenerbisyos po talaga ako. Parang hindi ako makapaniwalang ito na, ang hinihintay kong break. Hindi ako nakatutulog ng maayos lately dala ng sobrang excitement. I promise to do my very best na magampanan ang napakahalagang role as Anak ng Macho Dancer. Pinaghandaan na ng loob ko ang sexy scenes na ipagagawa sa akin ni Direk Joel. Maraming salamat po sir Joed Serrano sa tiwala,” ang humble namang wika ni Sean.
Halos lahat ay umaayon na tama ang desisyon nina direk Joel, Joed, at Direk Henry King Quitain na si Sen ang piliing magbida dahil bukod sa guwapo, magaling talaga siyang sumayaw na agad nagpa-sample sa isinagawang presscon kaninang tanghali.
Ang Anak ng Macho Dancer ay srquel ng Macho Dancer ni Allan. Ito ay ipo-prodyus ng The Godfather Productions ni Joed, story at screenplay ni Quitain kasama si Ms. Grace Ibuna bilang business consultant, si Jobert Sucaldito bilang supervising producer, at Dennis Evangelista bilang line producer.
Makakasama rin ni Sean ang mga original na artista sa Macho Dancer na idinirehe noon ni Lino Brocka sina Allan, William Loreno, at Jaclyn Jose. Kasama rin sina Rosanna Roces at Daniel Fernando.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio