PAREHONG pabor ang Korte Suprema at si Pangulong Rodrigo Duterte na sirain ang mga ebidensiyang shabu laban sa drug personalities matapos itong dumaan sa imbentaryo.
Paliwanag ito ng Palasyo kasunod ng direktiba ni Pangulong Duterte kamakalawa ng gabi na sirain ang lahat ng nakaimbak na ebidensiyang shabu sa drug -related cases.
Kinonsulta ni Presidential Spokesman Harry Roque si Court Administrator Raul Villanueva bago nagsimula ang press briefing kahapon at kinompirma sa kanyang dati nang may direktiba ang Supreme Court na dapat sirain ang mga kompiskadong droga kapag tapos nang sumailalim sa imbentaryo.
“Hindi po, kakakonsulta ko lang kay Court Administrator Raul Villanueva, ‘yan po ang pinakamagaling kong kaklase sa College of Law 1990, at ang sabi po niya nagkaroon na ng direktiba ang Kataas-taasang Hukuman, dapat i-destroy na ang mga kompiskadong droga as soon as it is inventoried,” tugon ni Roque kung sinasakop ng Pangulo ang kapangyarihan ng hudikatura sa utos na sirain ang mga ebidensiyang shabu sa loob ng isang linggo.
“So, hindi na po kailangan itago ‘yan bago ipresenta bilang mga ebidensiya dahil ‘yung imbentaryo na lang po, ‘yung inventory report ang gagamiting ebidensiya. Nagkakaisa po ang hudikatura at ang ating Presidente sa layunin na sirain na agad ang ipinagbabawal na droga dahil baka maibenta pa muli,” dagdag ni Roque.
Tiniyak niya na ang pagsira sa illegal drugs ay pangangasiwaan ng mga kinatawan ng sangay ng ehekutibo at hudikatura.
Nangangamba ang ilang observer na imbes sirain ay posibleng ibenta ito ng mga naatasang sumunod sa utos ng Pangulo at ang pinagbentahan ay gamitin sa pangangampanya ng ilang kandidato sa 2022 elections.
“‘Wag po kayo mag-alala, ang pagsira po ng mga drogang ‘yan ay gagawin ng ehekutibo at hudikatura,” ani Roque.
“Kung wala po tayong tiwala sa pulis o mga drug enforcement agents , magtiwala po tayo sa personnel ng hudikatura.” (ROSE NOVENARIO)