INIHAYAG ni Sen. Grace Poe na dapat paigtingin ng pamahalaan ang pagkilos upang matiyak na walang sanggol at ina na makikipagbuno sa gutom sa gitna ng krisis sa kalusugan dulot ng CoVid-19.
“Kinakailangan magkaroon ng tuloy-tuloy na inisyatiba sa nutrisyon upang mapigilang maging legasiya ng pandemyang CoVid-19 ang gutom at malnutrisyon sa mga sanggol at ina,” ayon kay Poe, habang iginigiit na patuloy na pondohan ang Republic Act 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, na kanyang inakda.
Nakatakda sa batas na dapat may sapat na pondo sa pagtugon sa malnutrisyon sa mga buntis at bagong panganak sa loob ng kanilang unang 1,000 araw.
Ayon sa senador, dapat magkaroon ng pinalakas na pagkilos sa implementasyon ng batas.
“Dapat nating ingatan ang unang 1,000 araw ng mga sanggol. Garantiyahan natin ang kalidad na maagang pag-aalaga sa kanila bilang kanilang pangunahing karapatan,” ayon kay Poe. (CYNTHIA MARTIN)