INAMIN ni Pangulong Rodrigo Duterte na bilyones na pera ng bayan ang ‘naaksaya’ bunsod ng korupsiyon sa gobyerno kaya nais niyang sagutin ng pamahalaan ang gastos para sa pamamahagi ng libreng Beep cards sa mga pasahero.
“Card lang naman ‘yan, ibigay na ‘yan libre. Bakit pabayaran pa ‘yan? We have been wasting so many billions to corruption tapos ‘yan hindi maibigay?” anang Pangulo sa kanyang public address kagabi.
Giit ng Pangulo, kakausapin niya si Transportation Secretary Art Tugade upang gawan ng paraan na maipamudmod nang libre ang Beep cards na gagamitin sa EDSA Busway ng mga pasahero.
Trabaho aniya ng gobyerno na protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan at sakaling kapos sa pondo ang DOTr, hahanap siya ng paraan upang maibigay nang libre ang Beep cards.
“You know, it breaks your heart really to… For those na iyang day-to-day trabaho ninyo but kami dito sa itaas nakikita namin and how it affects the human person. E trabaho namin ‘yan e. So if there is not — if there is no relief in sight, or it cannot be done immediately, I suggest that we find the money and give it to the public free para walang gulo at saka lahat mayroon,” dagdag niya.
Sa kanyang pagluklok bilang ika-16 na Pangulo ng bansa ay paulit-ulit niyang sinasabi na susugpuin ang korupsiyon, illegal drugs, at kriminalidad ngunit mahigit isang taon na lang ang natitira sa kanyang termino, wala pa siyang naipapakulong na ‘big fish’ o sangkot sa pandarambong. (ROSE NOVENARIO)