Saturday , November 16 2024

Andanar, isumbong kay Duterte – Roque (Sa anomalya sa IBC-13)

HINIMOK ng Palasyo ang mga manggagawa ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) na isumbong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga anomalyang nagaganap sa state-run television network.

 

Ang IBC-13 ay nasa pangangasiwa ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamumunuan ni Secretary Martin Andanar.

 

“Kung ang unyon po ay gustong mag-imbestiga ang Office of the President e lumiham po kayo nang diretso sa Office of the President at makararating naman po ang liham sa Presidential Management Staff,” tugon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa panawagan ng IBC Employees Union kay Pangulong Duterte na wakasan ang korupsiyon sa IBC-13.

 

Sinabi ng IBCEU sa kalatas na binabalewala ni Andanar ang mga napapaulat na anomalya sa IBC-13 kahit taon-taon ay nakasaad sa report ng Commission on Audit (COA) ang detalyadong iregularidad na nabisto ng state auditros.

 

Ang pinakahuli ang 2019 COA Annual Audit Report na natuklasan ang illegal wage hike ng matataas na opisyal ng IBC-13 mula sa dating president nitong si Katherine de Castro hanggang sa manager ng mga departamento.

 

Inulit ng COA ang kautusan na ipawalang-bisa ang pinasok na joint venture agreement (JVA) ng IBC-13 sa pribadong property developer na R-II builders Inc./Primestate Venture Inc.

 

Anang COA, sa huling pagbabagong ginawa o third amendment sa JVA, naging pagbebenta ng lupain ng IBC-13 sa Capitol Hills sa Quezon City ang kasunduan noong 2016 imbes orihinal na layunin na magkasosyo ang state-run network at R-II Builders sa proyektong La Rossa condominium na itinayo sa mahigit 3,000 ektaryang real property ng IBC-13 noong 2010.

 

Nakasaad din sa COA report na hindi ibinayad ng kompanya ang buwis na ikinaltas sa mga empleyado sa mga nakaraang taon na umabot sa P139.980 milyon hanggang noong 31 December 2019.

 

Malaking bahagi nito o P122,375,953 o 87.42% ay mula sa Withholding Tax Payable ng mga empleyado habang P17,603,982 naman ang Withholding Tax Payable-sa ilalim ng Presidential Decree 1351.

 

Ayon sa COA, sa ikinaltas na buwis noong taong 2019, may kabuuang P2.437 milyon ay P63,686 lamang ang naibayad ng kompanya sa BIR at P278,213 ang nai-refund sa mga empleyado habang nasa P2.095 milyon ang hindi nai-remit.

 

Hindi lamang buwis na ikinaltas sa mga manggagawa ng kompanya ang hindi nai-remit sa BIR kundi maging ang Net Value-Added Tax (VAT) na nagkakahalaga ng P146.303 milyon ang unremitted sa BIR na paglabag sa Sections 105 at 110 ng National Internal Revenue Code (NIRC) kaya’t dagdag na interests, penalties at surcharges ang posibleng maipataw sa kompanya.

 

Pinuna rin ng COA ang posibilidad na mawala o malustay ang pera ng IBC-13 dahil hindi ito nakalagak sa authorized government depository bank.

 

Ayon sa COA, walang account ang IBC-13 sa authorized government depository bank na dapat paglagakan ng mga natatanggap na pera ng kompanya, sa halip ay itinatago lamang ito sa vault ng Treasury Division at safety deposit box ng Bank of Commerce.

 

Nang usisain ng COA ang Finance Division personnel, lumitaw na bagamat mayroong dalawang bank account ang kompanya hindi dito inilalagak ang pera upang maiwasang ma-garnish ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

 

Itinatago ito sa vault ng Treasury Division habang ang iba naman ay nasa safety deposit box ng Bank of Commerce.

 

Kuwestiyonable rin, ayon sa COA, ang pagkakatalaga sa Manager ng Internal Audit Division na siyang tanging may access sa safety deposit box dahil walang maipakitang Board Resolution ang management.

Maaaring maikonsidera na hindi awtorisado ang paggasta ng kompanya ng kabuuang halaga na P170.076 milyon bilang pondo sa kabuuang taon ng 2019 dahil hindi nagsumite ang IBC-13 ng Corporate Operating Budget (COB) para sa Calendar Year 2019 sa Department of Budget and Management (DBM) na kailangan base sa itinatakda sa ilalim ng sections 3.1 at 6.4 ng Corporate Budget Circular (CBC) No.20 dated 27 April, 2005.

 

“Sa kabila ng maraming liham, ilang beses na pakikipag-diaologo kay Andanar ng mga opisyal ng IBCEU, kahit minsan ay hindi siya umaksiyon para paimbestigahan ang mga iregularidad sa IBC-13 at panagutin ang mga nasa likod nito mula nang maluklok bilang PCOO secretary noong 2016,” anang IBCEU.

 

“Ang resulta ng kapabayaan ni Andanar, walang pakundangan ang IBC-13 officials na sumablay dahil sa isipan nila ay malulusutan din nila ito, bagkus nagsasayaw pang naka-abre siete ang ‘utak ng sindikato’ sa matataas na opisyal ng PCOO,” hinagpis ng mga obrero ng IBC-13.

 

Ayon kay Roque, “Kung hindi po kayo satisfied sa naging response ng PCOO, sumulat po kayo sa tanggapan ng Presidente at ipararating ko po iyan kay Usec. Quitain.”

 

Si Jesus Quitain ang itinalagang kapalit ni Sen. Christopher “Bong” Go bilang Special Assistant to the President (SAP). (ROSE NOVENARIO)

About Rose Novenario

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Black

Iwasan, mga kaalyado ni Duterte sa eleksiyon

ISANG grupo ng mapagmalasakit na Filipino ang umaapela sa mga botante na pumili ng kandidatong …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *