KUNG majority ng Kamara ang ‘sampalataya’ sa galing at husay ni House Speaker Alan Peter Cayetano bilang pinuno ng Mababang Kapulungan, pito sa 10 Filipino ay aprobadong muling maging Speaker of the House sa papasok na Kongreso.
Lumalabas sa pinakabagong survey ng Pulse Asia na 70% ng mga Filipino o 7 sa 10 Pinoy ay nasisiyahan sa pamumuno ni Cayetano sa Kamara sa gitna ng pandemya.
Kaya ang konklusyon ng mga mag-aalyado sa ‘turf’ ni Cayetano, kung makikinig sa pulso ng taong bayan ang mga kongresista, malamang na hindi na nila palitan ang liderato sa kamara.
‘Yan ay sa kabila umano ng maraming intrigang ibinabato ng kampo ni Rep. Lord Allan Velasco ay hindi natinag ang malaking tiwala ng 70% ng taong bayan.
Mula nang umupo si Pangulong Duterte, nagkaroon na ng tatlong Speaker ang Kamara ngunit si Speaker Cayetano lamang ang nakapagrehistro ng pinakamataas na ‘approval rating’ mula sa mga Filipino.
Bilang mga pinuno, napakahalaga ng pahiwatig ng suporta at pagtanggap ng mga mamamayan sa kanilang mga trabaho. Ang mahusay na pamumuno ni Cayetano sa Kamara, ang kanyang magandang track record at integridad bilang mambabatas, ang ilan sa mga dahilan kung bakit buo pa rin ang tiwala ng mayorya ng Kamara.
Marami rin ang nagustohan ang “open at transparent” na pamamalakad ni Cayetano. Kahit mga miyembro ng civil society at academe ay nabigyan ng pagkakataong makilahok sa talakayan ng Pambansang budget.
Sa totoo lang, sinasabing makasaysayan ang pagtaas ng approval at trust rating ng House of Representatives simula nang umupo si Speaker Cayetano. Ikinagalak din ito ng mga kongresista dahil gumanda raw ang paningin ng mga tao sa institusyong kinabibilangan nila.
Noong Hulyo 2020, 18 panukala ang naging batas. Nalagpasan nito ng higit 200% ang dalawang nakalipas na Kongreso base sa rami ng mga bill na naging batas sa loob ng Unang Regular Session. Sa kabuuan, 12 ay national bill at anim dito ay local bill.
Kabilang dito ang pagpapaliban ng eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan; Bayanihan to Heal as One; restructuring ng excise tax rates para sa alcohol, heated tobacco, at vapor products; pagbuo ng National Academy of Sports; Salary Standardization Law of 2019; pagpapalawig ng availability ng 2019 Appropriations hanggang 31 Disyembre 2020; General Appropriations Act of 2020; Good Moral and Right Conduct (GMRC) and Values Education; pagpapatayo ng Malasakit Centers; at Anti-Terrorism Act of 2020.
Umabot din sa 86 national bills at 156 local bills ang naipasang panukalang batas ng Kamara sa huling pagbasa at naipadala sa Senado noong 26 Hulyo 2020 pagkatapos ng Unang Regular Session.
Patuloy pa itong nadagdagan ng 24 national bills at 89 local bills nitong ilang buwan ng pangalawang Regular Session.
Kahit panahon ng pandemya ay naging produktibo pa rin ang Kamara. Nagbuo ng Defeat CoVid-19 Committee na nakapagpasa ng anim na bill na naglalayong palakasin ang pagtugon sa CoVid-19 at pagtulong sa mga naapektohan ng lockdown. Nangyari ito sa loob lamang ng isang buwan.
Tulad ng nabanggit ng ibang mambabatas, hindi makabubuti ang magpalit ng Speaker sa gitna ng pagtalakay ng pambansang budget lalo na’t may kasalukuyang pandemya.
Nagsabi si Speaker Cayetano noong September 30 na nais na niyang magbitiw sa tungkulin upang mabigyan ng pagkakataon ang grupo ni Congressman Velasco na ipagpatuloy ang proseso ng budget ngunit tinanggihan ng 184 mambabatas ang kanyang pagbibitiw.
Ayon kay Rep. Defensor, ang ating bansa at Kongreso ay nasa isang barko at dumaraan sa isang matinding bagyo kaya hindi dapat palitan ang kapitan na isinasagawa ang pagsasaayos ng paglalakbay.
Nababahala rin ang maraming mambabatas na hindi makabubuti sa Kamara ang pagpapalit ng Speaker lalo na’t hindi pa naipapasa ang pambasang budget para sa 2021.