SA PAGGUNITA ng World Teacher’s Day kahapon kasabay ng pagsisimula ng mga klase, pinapurihan ni Senators Joel Villanueva at Leila de Lima ang mga guro.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Villanueva ang patuloy na pagsasakrispyo ng mga guro sa pagkakasa ng new normal education.
Ani Villanueva, sumabay na rin ang mga guro sa agos ng pagbabago at hindi na sila sumalungat sa mga bagong pamamaraan para maipagpatuloy ang pagbibigay edukasyon sa mga bata at kabataan.
Tiwala ang senador na malaking hamon man sa mga guro ang gagawing pagtuturo, magagawa pa rin nilang pandayin ang dunong at kaalaman ng kanilang mga trabaho.
Samantala, nagbigay pugay din si De Lima sa mga guro dahil sa pananatiling matatag para patuloy na makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon sa gitna ng pandemiya.
Sinabi niya, ang pagdinig sa mga hinaing at pagbibigay sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas ang tangi nilang maisusukli sa mga sakripisyo ng mga guro.
Kaya aniya hinihimok niya ang DepEd na patuloy na punan ang mga bakanteng posisyon sa pagtuturo at sinusuportahan niya ang pagkuha ng kagawaran ng mga teacher aides. (CYNTHIA MARTIN)