NANINIWALA si Senator Sherwin Gatchalian na mas malaking tulong kung ang nailaan na P4 bilyon sa Bayanihan 2 para sa pagkakasa ng ‘new normal education’ ay ipambili ng mga laptop para sa mga guro.
Aniya, marami pang guro ang walang laptop at hindi naman sila kayang bigyan ng mga lokal na pamahalaan.
Katuwiran ng senador, malaking tulong sa mga guro ang laptop sa paggawa ng modules na ipamamahagi sa mga estudyante.
Ayon sa senador, ang unang mahalagang hakbang na dapat gawin ay bigyan ng suporta ang mga guro.
Kaugnay nito, itinutulak ni Sen. Francis Pangilinan na madagdagan ang chalk allowance ng mga guro, para sa paggawa at produksiyon ng modules gayondin sa internet connection.
Kahit noon, madalas ay abonado ang mga guro sa pagtupad sa kanilang tungkulin kaya’t aniya nararapat lang na madagdagan ang kanilang P3,500 chalk allowance.
Ibinahagi ni Pangilinan sa diskusyon ang panukala na ayon sa ibang senador, hindi pa rin magiging sapat ang karagdagang P1,500. (CYNTHIA MARTIN)