BINABALAK ng Metro Manila Council na tanggalin na ang curfew hours sa kalakhang Maynila, okey naman ito pero para sa menor de edad huwag muna sana at kung maaari ituloy-tuloy na. ‘Wag na munang payagan ang mga menor de edad na lumabas pa ng kanilang bahay pagsapit ng 10:00 pm.
Ito ay sa kadahilanang marami sa kabataan ngayon ang lulong sa mobile legend games, at mahilig tumambay sa labas ng kanilang mga bahay.
Siyempre kung papayagan na buksan ang mga computer shops siguradong muling malululong ang mga kabataan na walang internet sa kani-kanilang bahay dahil limitado ang gamit kapag nasa mga bahay dahil bantay sarado ng kanilang mga magulang na ginagamit lamang ang internet sa kani-kanilang online studies.
Sana pag-aralan ng Metro Manila Council ang pag-aalis ng curfew hours, isaalang-alang ang magiging epekto nito sa mga kabataan partikular sa mga menor de edad.
MAS MAINGAT SI DIGONG KAY TRUMP
Mas naging maingat si Pangulong Rodrigo Duterte kompara kay US President Donald Trump, na nag-positibo sa CoVid-19 at kasalukuyang ginagamot sa isang US military hospital.
Marahil ay dahil ang bansang Amerika ang nangunguna sa bilang ng apektado ng CoVid kaya ‘di nakaligtas si Pres. Trump o sadyang matibay ang ating Pangulo na pati coronavirus ay takot, o sadyang malakas ang immune system ni PRRD dahil marani pang haharapin na problema sa ating bansa.
NATIONAL ID REGISTRATION SA OKTUBRE 12 SISIMULAN
Kung sisimulan ang pagkakaroon ng National ID sa ating bansa, sana walang ID sa iba’t ibang ahensiya na ire-release pa dahil ang National ID ang magpapatunay na isa kang Filipino Citizen.
Ang National ID ay isang indikasyon o pagpapatunay na puwede kang bomoto sa election, at magagamit na bilang lisensiya sa maraming bagay.
Dapat tukuyin ng pamahalaan ang kahalagahan ng National ID para naman maintindihan ng taong bayan.
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata