PATUNAY na isa sa pinakahinahangaang personalidad sa bansa si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nang mapabilang sa listahan ng “Most admired men and women in the Philippines in 2020.”
Naigawad kay Mayor Isko ang ikatlong puwesto sa listahan na pinangunahan naman nina Pangulong Rodrigo Duterte at pumangalawa si Philippine boxing icon Senador Manny Pacquiao.
Base sa talaan, si Yorme ang bukod tanging napabilang na miyembro ng local government units (LGUs) sa listahan.
Samantala, nanguna ang aktres na si Angel Locsin, sa listahan ng mga babae, sumunod si 2019 Miss Universe Catriona Gray at singer-actress na si Sarah Geronimo.
Kaugnay nito, lubos ang pasasalamat ni Isko sa panibagong karangalan na iginawad sa kanya at tiniyak na magsisilbing inspirasyon upang mas pagbutihin ang serbisyo publiko para sa mga Manileño.
“I thank the YouGov for this welcome affirmation of appreciation of what we in the city government are doing, particularly by the citizens of Manila. This will inspire me even more to strive harder in serving Manilans and making their lives better,” ayon kay Isko.
Si Mayor Isko ay hindi lamang sa Filipinas hinangaan kundi maging sa ibang bansa, dahil sa magagandang proyektong isinulong para sa lungsod.
Ang alkalde rin ang ika-22 naluklok na alkalde at pinakaproduktibong mayor ng mga Manilenyo.
Ang pag-aaral ay ginawa ng British market research at data analytics firm na YouGov na sina Duterte at Locsin pa rin ang nasa top spots ng listahan. Nakopo rin nila ito noong taong 2019.
Habang sa worldwide ranking, nakuha nina dating US President Barack Obama at ng kanyang maybahay na si Michelle, ang unang puwesto, kasunod sina Bill Gates at Chinese Pres. Xi Jinping, at sina Angelina Jolie at Queen Elizabeth II.
Base sa idinaos na online polls ng YouGov, nangalap sila ng nominasyon sa pamamagitan ng tanong na “thinking about people alive in the world today, which (man or woman) do you most admire?”
Sa sagot ng respondents, nag-compile ang YouGov ng listahan ng 20 men at women na ini-nominate sa apat na bansa at para naman sa individual countries, lima hanggang 10 popular local figures ang idinagdag sa listahan na ginamit upang pagpilian ng poll respondents, gamit ang tanong na, “Who do you truly admire?” at “Who do you most admire?”
(BRIAN BILASANO)