PINADADAGDAGN ng ilang senador na taasan ang tinapyasang pondo ng Department of Science and Technology (DOST) para sa research and development (R&D).
Ayon kay Sen. Joel Villanueva, napapanahon ang pagpapaunlad ng R&D lalo na’t umangat ang puwesto ng Filipinas sa nakaraang Global Innovation Index.
“With strengthened support to the DOST and R&D, not only do we allow innovation to provide solutions relevant to the pandemic and other pressing concerns of the country, we also retain and generate jobs amid the economic recession,” pahayag ng mambabatas.
Nanghihinayang ang mga senador dahil marami raw scholar at mga eksperto sa bansa na napipilitang mangibang bansa dahil sa kakulangan ng suporta sa agham at pananaliksik.
Sa ilalim ng National Expenditure Program ng Department of Budget and Management, P23 bilyon lang ang aprobadong budget mula sa panukala ng kagawaran na P36.269 bilyon.
Partikular na tinapyasan ng pondo ang limang R&D institutions at ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ni Sen. Nancy Binay, tila hindi kinikilala ng Budget department ang kahalagahan at implikasyon ng pagsasaliksik.
“Ang laki rin ng ibinawas sa R&D ninyo. Parang ang ‘dating’ hindi na-appreciate ng DBM ang research and development.”
Kasunod ng pahayag ni Secretary Fortunato de la Peña, P1.2-bilyon ang kakailanganin para pondohan at mapanatili ang kanilang mga programa sa reseach and development.
Ang mga senador, ipinasusumite ang Science department ng listahan ng priority R&D projects para matiyak na hindi ito masasagasaan ng tinapyasang budget. (CYNTHIA MARTIN)