CHARTER change o amyenda sa Konstitusyon ang puwedeng maging daan para maganap ang no election (no-el) scenario sa 2022, ayon sa Palasyo.
Gayonman, hindi umano interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang kanyang termino na nakatakdang magtapos sa 30 Hunyo 2022.
Ilang araw nang inuulan ng batikos ang panukala ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo na suspendihin ang 2022 elections dahil sa CoVid-19.
“The President is not interested in extending his term. And he leaves it to the Filipino people, the sovereign people, to decide if they want to amend the Constitution to postpone the elections,” ani Presidential Spokesman Harry Roque sa virtual Palace press briefing kahapon.
“It can never be an option for Malacañang, unless the Constitution is amended,” dagdag niya.
Nakasaad sa 1987 Constitution na ang presidential at vice presidential elections ay dapat idaos tuwing ikalawang Lunes ng buwan ng Mayo kada anim na taon mula noong Mayo 1992.
Sinabi ni Roque, bukas ang Palasyo sa pagbabago ng paraan sa pagdaraos ng halalan bunsod ng pandemyang CoVid-19.
“Under the new normal, under the situation, mukhang ang magbabago ay ‘yung paraan paano mangampanya, pero patuloy po ang eleksiyon,” dagdag niya.
Kamakalawa, tinukoy ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pangulong Duterte ang nasa likod ng no-el scenario na isinusulong ni Arroyo. (ROSE NOVENARIO)