HUNGKAG ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations General Assembly na bahagi ng international law kaya’t hindi puwedeng balewalain ang tagumpay ng Filipinas laban sa China sa agawan sa teritoryo sa South China Sea.
Ito’y kapag walang ginawang kongkretong aksiyon ang Pangulo upang isulong ang soberanya ng Filipinas , ayon sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Sinabi ng CPP, ang talumpati ng Pangulo sa UNGA ay mababaw at ginawa lamang upang sumakay sa lumalakas na sentimyento laban sa China bunsod ng pagtangging sumunod sa international agreements.
Giit ng CPP, malinaw na hindi titigil si Pangulong Duterte sa pagiging sunod-sunuran sa China at hindi rin maninindigan para sa soberanya ng Filipinas.
Dapat umanong panagutin ang rehimeng Duterte sa pagtataksil bunsod ng kabiguan na igiit ang sovereign rights alinsunod sa 2016 arbitral ruling, pagpapahintulot sa China na magtayo ng pitong military facility at pagpapayag na palawakin ang kapangyarihan sa territorial seas ng Filipinas.
Binigyan diin ng CPP, dapat singilin si Duterte sa pakikipagsabwatan sa Chinese government at malalaking Chinese company sa pandarambong sa likas na yaman ng Filipinas at pagpayag na makontrol nang husto ang ekonomiya ng bansa.
Matatandaan sa kanyang talumpati sa UNGA, inihayag ng Pangulo na alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration sa The Netherlands ang komitment ng Filipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea.
Nagpasalamat siya sa iba pang mga bansa na sumusuporta sa arbitral victory ng Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)