AMINADO si Film Development Council of the Philippines Chair Liza Dino na nagtatampo na sa kanya ang asawang si Ice Seguerra pati ang anak niya dahil hindi na niya naaasikaso ang mga ito. Abala kasi si Dino sa Sine Sandaan: The Next 100 na naka-line-up ang sandamakmak na activities.
Pero nilinaw naman niyang naiintindihan siya ni Ice at ng kanyang anak. Aniya, “Hindi rin sila makaalma kasi alam nilang para sa ibang tao ‘yung ginagawa ko, so kahit na nasasaktan sila ng personal, hindi sila puwedeng (magreklamo). Sobra namang supporting si Ice at ang anak ko.
“Yung daughter ko, dapat pandemic, dapat mas nakikita niya ako kaso buong araw na ako rito sa terrace namin, walang gumagambala sa akin. Nasa labas ako ng bahay. Two weeks na akong hindi ko sila naipagluluto. Kasi sa mga meeting ko, maaga na ‘yung 11:00 p.m. na matapos itong the whole September.”
Samantala, sa Oktubre 31-Nobyembre 15 na ang Pista ng Pelikulang Pilipino kaya marami ang nagtatanong kung posibleng sa mga sinehan mapanood ang mga kalahok na pelikula.
Sagot ni FDCP Chair, “We’re thinking that, we’re exploring that kasi panibagong discussion ‘yan with the producers. I’m sure they will have preferred that pero ngayon kasi kaya namin nakuha itong napakaraming films (100 films) ay iisa lang ang transaction so 100% of the proceeds will goes to them (producers).”
Excited na nga si Dino sa pagsisimula ng PPP dahil magaganda ang mga kalahok dito. Tampok dito ang mga pelikula mula sa local film festivals tulad ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, Sinag Maynila Film Festival, Cinema One Originals Film Festival, CineFilipino Film Festival, ToFarm Film Festival, QCinema International, Film Festival, at Metro Manila Film Festival pati na rin mula sa iba’t ibang producers, at regional film festivals, at mula sa PPP, CineMarya Women’s Film Festival, at Sine Kabataan ng FDCP.
Bale ang bagong slogan ng nationwide film festival ay PPP4, Sama All hango mula sa sikat na, “sana all.”
Mayroong 13 curated sections ang PPP 2020: Premium, Classics, Documentary, Romance, Youth and Family, Genre, Regional Full-Length, Philippine Submissions to the Oscars, PPP Retro, LGBT, at Tributes para sa mga yumaong haligi ng industriya, at kasama rin ang CineMarya at Sine Kabataan.
Sa Premium section ay kasama ang mga pelikulang nagkaroon ng limited release o hindi pa naipalalabas sa Pilipinas habang kabilang sa Classics section ang mga obra ng National Artists for Cinema o Film mula sa Philippine Film Archive Collection ng FDCP gaya ng Genghis Khan (1950) ni Manuel Conde, Manila by Night (1980) ni Ishmael Bernal, at White Slavery (1985) ni Lino Brocka.
“Siguro nagulat lahat na bakit may mga ganitong rules, sana makita nila na we only have good intentions, walang masamang tinapay sa FDCP,” esplika ni Dino.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio