ORA mismong magiging pangulo ng bansa si Vice President Leni Robredo sakaling makahanap siya ng lunas sa CoVid-19 habang wala pang natutuklasan na gamot at bakuna para wakasan ito.
Pangungutya ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kay Robredo matapos punahin ng Bise-Presidente ang kakulangan ng plano ng administrasyong Duterte laban sa CoVid-19 at iniasa na lamang ang solusyon sa bakuna at dagdag na mga kama sa ospital.
“Hinahamon ko po si VP Leni, kung mayroon siyang solusyon na walang vaccine at wala pa rin gamot, sabihin po niya, dahil sigurado po baka ngayon din maging Presidente siya kung makahanap siya ng solusyon habang walang bakuna at walang gamot,” ani Roque sa Palace virtual press briefing kahapon.
Paliwanag ni Roque, matagal nang may inilatag na plano ang administrasyon kontra CoVid-19 na nakapaloob sa National Action Plan I at 2 at sa kasalukuyan ay ipinatutupad na ang ikalawang plano.
“Alam po ninyo ang plano natin, national action plan 1, national action plan 2. Nasa national action plan 2 na po tayo kung saan binubuksan na po natin ang ekonomiya, pinag-iingat natin ang ating mga kababayan sa kanilang kalusugan para tayo ay makapaghanapbuhay, tuloy pa rin po ang ating localized lockdown and granular lockdowns at tuloy pa rin iyong pagpapaigting natin ng testing, tracing, isolation and treatment. Iyon po iyong plano. Pero habang wala talagang bakuna, habang walang gamot, wala pa rin talagang solusyon sa pandemyang ito,” ayon kay Roque.
Nauna rito’y kinastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang kritiko, partikular si Robredo, sa kanyang public address kamakalawa ng gabi.
“Now, you might be hearing of critics and ‘yung walang magawa, that we are not doing enough. Ano mang enough ang gusto ninyo? May hospital, may kama, at may punerarya,” ani Duterte.
“Alam mo Leni, kung gusto mo, if you really want to do away with the CoVid-19, sprayhan natin itong Filipinas o Manila ng pesticide para patay lahat,” dagdag niya.
Buwelta ng kampo ni Robredo, subukan ni Roque na basahin ang mga rekomendasyon ng mga doktor at iba pang eksperto na ang ilan ay ipinarating na rin ng Bise Presidente sa IATF upang hindi magmukhang walang silbi ang administrasyon.
“Subukan kaya ninyong basahin din minsan ang mga rekomendasyon ng mga doktor at ibang eksperto — ilang beses na rin ipinaabot ni VP Leni sa IATF ‘yung marami rito — para hindi naman kayo nagmumukhang inutil lagi,” ayon kay Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo. (ROSE NOVENARIO)