KUNG ang public markets, malls, city hall o municipal hall at ibang establisimiyento ay libre ang alcohol, ang tinatapakan ng mga paa, at kung ano-anong disinfecting devices para maprotektahan ang lahat ng pumapasok bilang health protocol sa pag-iwas sa CoVid-19, negosyo naman ang ipinaiiral ng isang pribadong ospital na matatagpuan sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Bawat pasyente na may appointment sa isang doktor, o nakaiskedyul for check-up kinakailangang dumaan sa health devices gaya ng paghugas o spray ng alcohol sa mga kamay. May temperature detecting device, para malaman kung may lagnat.
Bago pumasok sa kuwarto ng doktor na nakaiskedyul na titingin sa pasyente, alcohol uli at tatapak sa doormat na may disinfectant, at kuha ulit ng temperature.
Napakataas na nga maningil ng nasabing ospital, kesehodang health card ka o health insurance, maglalabas ka pa rin ng cash na P150 na hindi naman puwede i-deduct sa health insurance o health card ng pasyente. Ang halagang P150 ay kabayaran sa health protocol devices.
Isang pasyente na pabalik-balik sa nasabing ospital dahil sa laboratory tests na ginagawa sa kanya kada punta niya ay nagbabayad siya ng P150, bagama’t may resibo tila mali ang patakaran ng nasabing ospital.
Dahil mayroon naman tayong hawak na resibo at nakausap natin ang pasyente, heto po ang pangalan ng ospital, Grace Hospital na matatagpuan sa Quirino Highway Ext., SJDM.
Kahit pa pribadong ospital, nasa ilalim pa rin ito ng responsibilidad ng Department of Health (DOH). Ilang P150 sa bawat pumapasok sa nabanggit na ospital, bilangin na natin ang dumadalaw o nagbabantay sa mga pasyente na ‘di naman CoVid!
Pandemic na nga, may ospital pang walang awa!
Isumbong mo
kay DRAGON LADY
ni Amor Virata