WALANG balak lumaban at nakaluhod na pero binaril pa rin ng isang holdaper na naka-camuflajeng pansundalo ang isang pulis-Maynila na sinabing bodyguard ng isang negosyanteng mag-aalahas sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng hapon.
Patay agad ang biktimang pulis na si P/EMSgt. Roel Candido, 53 anyos, nakatalaga sa Manila Police District – Meisec Station (MPD-PS 11), residente sa Benita St., Gagalangin, Tondo.
Sugatan ang mag-aalahas na si Catherine Ornido King, 43 anyos, nagmamay-ari ng jewelry store sa Chinatown Gold Center sa Sta. Cruz, at sinabing siyang tunay na target ng mga holdaper.
Napinsala rin ang driver ni King na kinilalang si Sulficio Pisngot na tinamaan ng bala sa ibabang bahagi ng katawan at ang sales lady na si Visia Cañete, 20 anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng MPD Homicide Section, dakong 5:40 pm naganap ang insidente sa Florentino Torres St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa pagrepaso ng MPD, nakita sa CCTV na nag-aabang sa poste ang dalawang suspek na kapwa nakasuot ng fatigue (camuflaje), itim na T-shirt at face mask, habang isang kulay pulang Mitsubishi Mirage, may plakang NCG 1593 ang tila may hinihintay habang nakatigil at naka-hazard ang ilaw ng sasakyan.
Nang makitang dumarating ang minamaneho ni Pisngot na kulay puting Toyota Innova may plakang NAX 2457 na sinasakyan ni King at ng saleslady na si Cañete, minamaneho ni Pisngot kasunod ang pulis na si Candido lulan ng motorsiklo, agad humarang ang pulang sasakyan.
Unang binaril ng isa sa dalawang suspek si Candido na agad bumagsak sa kanyang motorsiklo pero nakaya pang tumayo at lumuhod na parang sumesenyas na hindi siya lalaban ngunit nilapitan ng isa pang suspek at muling binaril bilang pagtitiyak na patay ang biktima.
Kasunod nito, saplitang binuksan ng mga suspek ang pintuan ng SUV ng mga biktima kasunod ng pagbaril sa paa ni King saka kinuha ang bag na naglalaman ng maghapong pinagbentahan sa jewelry store.
Mabilis na sumibat ang mga suspek lulan ng pulang kotse makaraang makuha ang bag ng negosyante.
Naisugod sa ospital ang mga biktimang lulan ng Innova ngunit ang pulis na si Candido ay hindi na naitakbo pa sa ospital.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.
Kaugnay nito, buhos ang mga pagdadalamhati sa social media ng mga kasamahan at kaibigan ng napaslang na antigong-pulis na si Candido, na kung tawagin ng mga kasamang pulis ay alyas Dadi ng Binondo Police.
(BRIAN BILASANO)