NADAKIP ng pinagsanib na operasyon ng Manila Police District, PRO-Calabarzon at RACU4A ang isang 23-anyos lalaki na inireklamo ng kasintahan dahil sa sextortion sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng hapon sa Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni MPD Station 3 commander P/Lt. Col. John Guiagui, nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9995, Article 268 (Anti-Photo and Video Voyeurism and Grave Coercion) ang suspek na si Boyet Rondina, tubong-Masbate City, laborer, pansamantalang nanunuluyan sa High Infinity One, Oscariz St., Quiapo.
Ikinasa ang entrapment operation makaraang magreklamo ang kanyang ‘virtual girlfriend’ na si alyas Grizel, 36, residente sa Tibag, Calamba City.
Lumapit sa PRO-Calabarzon Regional Anti-Cyber Crime Unit (RACCU) ang biktima at inireklamo ang suspek dahil sa pananakot na ikakalat sa social media ang mga hubad na larawan at video kapag hindi nakipagkita at nakipagtalik ang biktima. (BRIAN BILASANO)