BINIGYAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ng taning si bagong PhilHealth president Dante Gierran ng hanggang 31 Disyembre 2020 para linisin ang ahensiya laban sa katiwalian.
“The deadline given to Attorney Gierran is a deadline to clean up the organization. File all the cases that need to be filed, suspend, terminate, whatever you need to do in order to cleanse the ranks of PhilHealth,” ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque sa Palace virtual briefing kahapon.
Inilinaw ni Roque na ang deadline kay Gierran ng Pangulo ay hindi katumbas ng pagtatapos ng termino niya sa PhilHealth.
“Hindi naman po ibig sabihin na ang termino niya ay hanggang doon lamang,” sabi ni Roque.
Noong Lunes ay inaprobahan ni Pangulong Duterte ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban kay dating PhilHealth president Ricardo Morales at iba pang opisyal bunsod ng katiwalian sa ahensiya.
Nauna rito, tiniyak ni Gierran na tutuldukan ang korupsiyon sa loob ng dalawang buwan.
Kamakalawa ng gabi ay idiniga ni Pangulong Duterte kina Senate President Tito Sotto at House Speaker Alan Peter Cayetano ang ideyang pagbuwag o pagsasapribado sa PhilHealth bunsod ng mga alegasyon ng talamak na katiwalian sa ahensiya.
Kaugnay sa panukala ni Sotto na ang kalihim ng Department of Finance ang italagang chairman of the board ng PhilHealth imbes ang Health secretary, sinabi ni Roque na bahala ang Kongresong mag-amyenda sa batas na lumikha sa state health insurer at anoman ang maging pagbabago ay igagalang umano ng Pangulo. (ROSE NOVENARIO)