HINDI ikinonsulta ng Department of Transportation (DOTr) ang inilabas na guidelines sa pagbabawas ng distansiya ng mga pasahero sa mga pampublikong transportasyon, sa health experts at hindi rin aprobado ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
“Actually pinag-aralan ko rin mabuti kung paano nangyari. Noon kasing September 7, nagkaroon ng presentation si Secretary [Karl] Chua ng NEDA at doon sinabi ni Secretary Chua ‘yung kaniyang recommendation, which is actually na-adapt ng IATF… adapt and continuously update the latest health standards and best practices in consultation with health sectors,” ani Año.
“Importante roon in consultation with health sectors. Kaya lang ang nangyari, nagpalabas ng operational guidelines ‘yung DOTr nang wala namang consultation sa health experts. Naglabas na sila ng 0.75 [meter], 0.50, 0.3… hindi ‘yan dumaan sa IATF,” dagdag ng kalihim.
Sinabi ni Año, magpupulong silang mga opisyal ng IATF at tatalakayin ang isyu.
Umaasa rin ang kalihim na babawiin ng DOTr ang desisyong bawasan na ang isang metrong physical distancing para sa commuters.
“I hope so. Because first, wala naman talaga ‘yang approval ng IATF. Dapat nakipag-usap muna sila sa health experts para malinaw talaga ano ba epekto niyan,” dagdag ng DILG chief.
Samantala, sa panig ni Transportation Secretary Arthur Tugade, sinabi niyang ang naturang regulasyon sa pagpapaluwag ng physical distancing rules sa loob ng mga pampublikong transportasyon ay hindi lamang produkto ng ‘knee-jerk reaction.’
Sa halip aniya, dumaan ito sa research at nagsagawa rin sila ng simulation sa Philippine National Railways (PNR).
“The move is ‘not a product of a knee-jerk reaction, but also a product of research and a product of simulation,’” anang kalihim.
“We can show that the matter of health and safety is not prejudiced provided you do strict enforcement and recognition of face mask, face shield, washing of hands, no more unnecessary talking, no eating, no use of cellphones, no asymptomatic, no senior citizens,” ani Tugade.
Nitong Lunes, 14 Setyembre, ipinatupad na ng DOTr ang pagbabawas ng distansiya sa pagitan ng mga pasahero upang mataasan ang passenger capacity ng mga mass public transport sa bansa, kabilang ang apat na railway lines sa Metro Manila at mga public utility vehicles (PUV).
Una nang sinabi ni Año na tutol siya sa pagbabawas ng distansiya sa pagitan ng mga pasahero dahil mas ligtas pa rin aniya laban sa CoVid-19 kung mananatili pa rin ang isang metro ang layo sa isa’t isa. (ALMAR DANGUILAN)