NAKANENERBIYOS ang tirada ng mga paboritong Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa na rito ang hindi natin maintindihang bagong ideya ni Transportation Secretary Art Tugade na unti-unti na raw bawasan ang distansiya ng mga pasahero sa pampublikong sasakyan para marami na raw ang maisakay.
Mula sa isang metro, ang itinakdang physical distance sa pagitan ng mga pasahero ay unti-unting babawasaan ng .3 meters matapos ang apat na linggo.
Kinatigan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang panukala ng Economic Development Cluster (EDC) at Department of Transportation (DOTr) para madagdagan ang mga sumasakay sa pamamagitan ng pagbabawas ng distansiya sa mga mass transit
Hello Secretary Art Tugade! Tutal naman po’y sinasabi ninyong ‘commuter’ talaga kayo at hindi kayo madalas na gumagamit ng ‘auto’ aba’y mauna kayong magbawas ng distansiya sa mga public utility vehicles (PUVs) na sinasakyan ninyo?!
Sa totoo lang, kakatwa talagang mag-isip ang ibang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Digong.
Gaya nitong mungkahi ni Secretary Tugade, imbes magdadag ng PUVs para marami ang makasakay, ang ginawa, iklian daw ang distansiya ng mga pasahero sa PUVs.
Hay naku, Secretary Tugade, hindi ka kalbo, huwag kang magpatawa!
Parang gusto pa ninyong mamigay ng ‘metro’ para may pangsukat ang pasahero, ganoon ba ‘yun Secretary Tugade?
Talaga namang nakapanghihilakbot ang ‘susmaryosep’ ng medical frontliners dahil sa kagila-gilalas na ideya ni Secretary Tugade.
Sabi nga, baka condolencias ang maging katumbas ng mga distansiyang ‘yan? Maawa naman po kayo sa mga frontliners natin.
Mantakin ninyo, ‘yung mga jeepney na gumastos nang halos P3,000 para makasunod sa protocol at makita ng LTFRB na safe ang mga pasahero nila, e biglang puwede naman palang bawas distansiya?
Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin pinapayagan pumasada ang jeepneys?!
At talagang iginigiit ni Secretary Tugade na bawas distansiya at hindi dagdag PUVs ha?!
E ‘di ba paulit-ulit na ipinaalala sa publiko ng health experts na ang social distancing, pagsusuot ng face mask/shield at paghuhugas ng kamay ay malaking tulong para hindi kumalat ang coronavirus.
Ang bawas distansiya o agwat sa commuters ay maliwanag na saliwa sa minimum safety standards na halos anim na buwan nang itinuturo sa publiko o sa lahat ng mamamayan.
Sabi nga ni Navotas Mayor Toby Tiangco, “Trains, air-conditioned buses, planes and other public transit are closed spaces. The risk of infection in these spaces is higher than outdoors. We have been urging our constituents to practice social distancing even at home and in their workplace. Why would we allow them to forego this safety measure when taking public transportation?”
Kung kailan sinasabi ng mga eksperto na nag-uumpisa nang ‘mapatag ang kurba’ ng pandemya, ‘e hayan at naghahanap na naman ng mga rason para tumaas ang bilang ng mga positibo?
Kung minahal na ninyo ang pandemya (dahil sa mga raket ninyo), kaming mga mamamayang labis na apektado, ay hindi!
Pakidagdagan naman ng sustansiya ang mga ideya ninyo… please!