KINOMPIRMA ng Department of Health (DOH) na lumakad na ang diskusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa panukalang lifting o pag-aalis ng ban sa deployment ng ating healthcare workers sa ibang bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pinag-usapan ng IATF sa nagdaang meeting ang posibilidad na alisin ang deployment ban sa healthcare workers na may pinirmahan nang kontrata noong 31 Agosto.
“If its DOH going to be asked, of course we are inclined to support this proposal kung mayroon na silang perfected contracts. Kailangan ma-honor din naman ‘yung contracts na ‘yon kasi napirmahan na nila ‘yan. May benefit din naman ‘yan sa society, lalo sa economy,” ani Vergeire.
Inilinaw ng opisyal na pansamantala lang ang ipinatupad na deployment ban para maibsan ang kakulangan ng bansa sa health human resources o puwersa ng healthcare workers laban sa CoVid-19 pandemic.
Dagdag ng opisyal, “Kapag nagkaroon na ng stability then maybe IATF and government will decide on allowing them already. But when it comes to OFW or healthcare workers na may perfected contracts, if papayagan ng IATF ating susuportahan ito.”
Una nang sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia na nililikom na nila ang listahan ng mga nurse na may kontrata na noong katapusan ng Agosto.
Isasama ito sa listahan ng healthcare workers na pasok ang petsa ng pinirmahang kontrata sa unang itinakda na cut-off noong 8 Marso.
Ayon kay Labor Secreatry Silvestre Bello, 2,000 hanggang 5,000 nurses ang papayagang lumipad sa abroad sakaling aprobahan ng IATF ang hiling na lifting ng deployment ban.
Mayroong 10,000 approved slots para sa emergency hiring sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act (Bayanihan 1). (CYNTHIA MARTIN)