PINUNA ni Senator Sherwin Gatchalian ang paglobo ng bilang ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC) nitong mga nakalipas na buwan habang naka-focus ang lahat sa paglaban sa CoVid-19.
Base sa datos ng Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ), simula noong 1 Marso hanggang 24 Mayo, nakapagtala ng 279,166 kaso ng OSEC at ayon kay Gatchalian ito ay 264 percent na mas mataas kompara sa naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Kasunod nito inihain ng senador ang Senate Bill No. 1794 para mas mapalakas ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 para magkaroon ng gabay ang awtoridad at hudikatura sa pagtugon sa mga kaso ng human trafficking kasama ang sexual exploitation, prostitution, forced labor, slavery, pagbebenta ng bahagi ng katawan, at pornograpiya.
Nais din ni Gatchalian na magkaroon ng responsibilidad ang internet service providers at tourism-oriented establishments sa pagpigil at pag-ulat ng trafficking cases.
Inihirit din sa kanyang panukala na palakasin ang Inter-Agency Council Against Trafficking at isama ang Department of Health, Information and Communications Technology, Transportation, gayondin ang NBI at OWWA. (CYNTHIA MARTIN)