ISANG sundalong kano na pumatay ng isang Filipino transgender ang nakahulagpos sa timbangan ng katarungan nang tuluyang palayain ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng ‘Absolute Pardon.’
‘Yan ay isang kapangyarihan na hindi puwedeng abusohin, dahil katarungan ang pinag-uusapan dito.
Pero, ang kapangyarihang ‘yan, na makapaggawad ng ‘ablsolute pardon’ ay parang ‘setro’ na tanging hari lamang ang puwedeng gumamit o maggawad.
Walang maliwanag na rason mula sa kampo ng Pangulo kung bakit ginawaran ng absolute pardon ang sundalong kano na kumana ng transgender na Filipino at tinegas na parang manok nang baliin ang leeg ng biktima.
Kung sa mga Amerikano ginawa ang ganyang uri ng pagpatay, isa lang ang sasabihin nila, “Horrible!”
At kung Filipino ang gumawa baka bigla na lang silang mawala at hindi na matagpuan kailanman, maging ang kanilang malamig na bangkay o kalansay.
Hindi na tayo nagtataka ngayon kung bakit malakas ang loob ni Olongapo Regional Trial Court Branch 74 Judge Judge Roline Ginez-Abalde nang magpasyang palayain si Joseph Scott Pemberton dahil nakompleto na umano ang 10-taon (?) sentensiya base sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) at gumastos na rin ng ‘milyones’ bilang bayad-pinsala sa mga naulila ni Laude.
Sinabi pa nitong nakaraang linggo ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala sa kapangyarihan ni Judge Abalde ang ginawa niyang pagpapalaya kay Pemberton.
Maituturing umanong pag-abuso sa kanyang kapangyarihan ang ginawa ng hukom na naglabas ng desisyon para palayain ang US serviceman na pumatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude.
Kaya siguro to the rescue ang Executive Branch, para wala na raw pali-paliwanag sa pagpapalaya sa pamamagitan ng GCTA, iginawad na ang ‘absolute pardon.’
Ipinagmamalaki ng Pangulo na siya ay isang Sun Tzu student o spectator o masidhing tagahanga ng iniidolo ng marami na si Chinese General Sun Wu, isang military strategist na may malakas na impluwensiya sa Western and East Asian philosophy and military thinking.
Isipin na lang natin na hindi ito gagawin ng Pangulo nang walang silbi sa kanyang panunungkukan bilang Pangulo ng Filipinas.
Abangan lang natin kung kailan niya gagamitin ang ‘piyesa’ na inianak ng paggawad niya ng ‘absolute pardon’ kay badminton, este Pemberton.
Marami kasi ang kumuwestiyon sa desisyon ni Abalde na palayain sa bisa ng GCTA si Pembertn lalo’t noong 2015 lang nasentensiyahan at nakulong (ang insidente ng pamamaslang ay naganap noong 2014) kaya ibig sabihin hindi totoong 10 tao nang nakakulong ang Kano.
Sinabi rin ng abogado ni Pemberton na nagbayad na nang halos P4 milyones ang kanyang kliyente sa pamilya Laude kaya naniniwala silang pasado sa GCTA ang Kano.
Pero maraming kontra-argumento ang GCTA kaya hayan, para wala nang tanong-tanong — iginawad ang absolute pardon ng Pangulo.
E ‘yun naman pala, sa hinaba-haba ng proseso, sa pagpapakawala rin pala kay Pemberton tutuloy, ‘absolute pardon’ pa.
E Mr. President, ngayong nakapaggawad na kayo ng ‘absolute pardon’ sa isang sundalong kano pa, baka naman po puwede na ninyong ipamadali o iparebyu sa Department of Justice (DOJ), lalo’t nalalapit ang Pasko, ang kaso ng mga senior citizen, person/s with disability, o ‘yung mga overstaying na sa kulungan, pero hindi makalaya dahil walang kaanak na naglalakad ng mga papeles, para naman matikman na nila ang buhay laya.
At ‘yung walang uuwian dahil hindi na binalikan ng mga kaanak nila ay dalhin sa mga institusyon na makararamdam sila ng kahit kaunting kalayaan gaya ng mga home for the aged ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ngayong nalalapit ang ‘Pasko’ sana’y iwasan na ng mga awtoridad ang mga kapasyahang lalong sumusugat na naghihirap na damdamin ng mga Filipino ngayong panahon ng pandemya.
Sana lang po, sinalanta man ng pandemya ang buong mundo, lalo ang mahihirap na Filipino, sana lang po, ay maging makabuluhan naman ang ating Pasko.
Please, Mr. President?!