UMABUSO sa kanyang kapangyarihan ang hukom na naglabas ng desisyon para palayain ang US serviceman na pumatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, wala sa kapangyarihan ni Olongapo Regional Trial Court Branch 74 Judge Judge Roline Ginez-Abalde para magpasya na palayain si Pemberton dahil nakompleto na umano ang 10-taong sentensiya base sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) at gumastos na rin ng ‘milyones’ bilang bayad-pinsala sa mga naulila ni Laude.
Ang pasya aniya ni Abalde ay taliwas sa rekomendasyon ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi dapat binigyan ng allowance for good credit ang umano’y educational activity ni Pemberton habang siya ay nakakulong.
Giit ni Roque, hindi pa puwedeng palayain si Pemberton dahil hindi pa pinal ang desisyon ni Ablade at maghahain ng motion for reconsideration ang Department of Justice (DOJ).
“Sa mga naghahawak po sa pagkatao ni Pemberton, hayaan ninyo naman, bigyan ninyo ng pagkakataon na mag-move for reconsideration ang Executive Branch dahil ang desisyon naman po on allowance for good conduct is an executive function. So iyong ginawa po ni Judge na siya na ang nagdesisyon kung paano niya bibigyan ng credit for good conduct is an instance of judicial overreach,” sabi ni Roque sa Palace virtual press briefing kahapon. (ROSE NOVENARIO)