ISINALONG ang sarili, kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, ng driver na naka-hit and run sa isang frontliner na nurse, makalipas ang siyam na araw na pagtatago.
Kahapon, pasado 3:00 pm nang sumuko kay Mayor Isko sa Manila City Hall, ang suspek na kinilalang si Mohamed Ali Sulaiman, 27 anyos, na umaming siya ang nagmamaneho ng kulay itim na Mitsubishi pick-up, may may plakang NEK 1332, nakarehistro sa kanyang kapatid na si Sauda Bacaye.
Matatandaan, noong 23 Agosto, nabundol ang biktimang si Renz Jayson Perez, isang nurse na nakatalaga sa Justice Jose Abad Santos General Hospital, sa panulukan ng P. Burgos Ave., at Maria Y. Orosa St., sa Ermita, Maynila.
Kasama ng suspek ang kanyang abogado at ang Manila City Hall detachment MPD nang sumuko kay Moreno.
Kasunod nito, humingi ng paumanhin si Sulaiman kay Moreno gayondin sa pamilya ng biktimang si Perez.
Sa rekord, dakong 7:15 pm, sakay si Perez ng kanyang bagong biling bisekleta nang mabundol ng Mitsubishi pick-up na pag-aari ni Bacaye.
Isang testigo ang umano’y nakakita nang mabangga si Perez ng humaharurot na pick-up at mabilis na tumakas patungo sa Delpan bridge.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival (DOA).
Nagtungo sa MPD-GAIS si Bacaye nang makatanggap ng summon mula sa MPD matapos masudsod ang kanyang sasakyan sa ikinasang backtracking ng CCTV.
Gayonman, iginiit ng kampo ni Bacaye na hindi siya ang nagmamaneho at lalantad ang driver sa tamang panahon. (BRIAN BILASANO)