HINDI ibinabasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isinusulong na revolutionary government ng kanyang mga tagasuporta taliwas sa una niyang pahayag na wala siyang kinalaman sa nasabing grupo.
Ang nais ni Pangulong Duterte ay talakayin ito sa publiko lalo sa hanay ng military.
Gusto ng Pangulong malaman ang opinyon ng militar sa usapin ng revolutionary government at kung ayaw nila’y ipaliwanag ang mga dahilan ng disgusto.
“Sabi ko nga iyong revolutionary government should not be discussed in sub rosa. It should be discussed publicly, including the military. They should be able to say what…If the average — if the troops do not want it, they should say so and explain. E kung mayroon rin silang gustong pagbabago, then let us hear them out,” sabi niya sa public address noong Lunes ng gabi.
Sa himig ng pananalita ng Pangulo, ikinakatuwiran niya ang pagkabigo niyang sugpuin ang korupsiyon para pulsuhan ng unipormadong isyu ng revolutionary government.
“Kasi walang end ang corruption, left and right talaga maski saan. Kaya iyong…” wika niya.
Noon lamang 22 Agosto, itinatwa ni Pangulong Duterte ang kanyang masusugid na kaalyado matapos pangunahan ang inisyatiba sa pagtatatag ng revolutionary government para maikasa ang charter change (Cha-cha) upang isulong ang federalismo.
“Pero alam mo, marami ngayon may naglalabas — revolutionary government. Tapos ako ang sinasabi na… Wala akong pakialam niyan, wala akong kilala na mga tao na ‘yan at hindi ko ‘yan trabaho,” anang Pangulo.
Dumistansya si Pangulong Duterte sa grupong Peoples National Coalition for RevGov and Charter Change at ikinaila na kilala niya ang national deputy spokesperson nito na si Bobby Brillante pati ang Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ni Atty. Francisco “Arlene” Buan.
Kamakailan ay nagtipon ang mga miyembro ng mga nasabing mga grupo at isinapubliko ang adbokasiyang magtatag ng revolutionary government na pamumunuan umano ni Pangulong Duterte sa ilalim ng revolutionary constitution hanggang 31 Disyembre 2021 at saka magdaraos ng eleksiyon sa ilalim ng federal form of government alinsunod sa bagong amyendang Konstitusyon.
Maging si Presidential Spokesman Harry Roque ay nahiwagaan at nagulohan sa panukalang RevGov ng mga kaalyado ng Pangulo at kombinsidong labag ito sa Konstitusyon.
“In fairness, I don’t know what they want. They claim to be supporters of the President, so why would they want to unseat a constitutional president? So I find it strange, the whole exercise to me is incomprehensible,” ani Roque sa panayam ng CNN kahapon. (ROSE NOVENARIO)